Dagdag benepisyo, karapatan sa Solo Parent's Act, isinulong

LUNGSOD QUEZON, Nob. 13 (PIA) -- Sa ika-18 taong anibersaryo ng pagkakapasa ng Republic Act 8972 o ang Solo Parent's Welfare Act of 2000 nitong Sabado, Nob. 10, pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panawagan sa Kongreso para sa pag-amyenda ng naturang batas upang higit pang magkaroon ng karagdagang benepisyo ang may 15 milyong “solo parent” sa bansa.

Sa pambungad na salita ni DSWD Usec. Mae Fe Ancheta-Templa, sinabi niyang napapanahon nang maamiyendahan ang Solo Parents' Act upang madagdagan ang karapatan at benepisyong nakapaloob dito para sa mga magulang na mag-isang nagtataguyod sa anak o kaya'y guardian ng mga edad 18 pababa.

”Ang solo parent ay double parent kaya’t kailangang mag double time ang pamahalaan upang mas mapaganda ang RA 8972 para sa komprehensibong mga programa at benipisyo,” ani Ancheta-Templa.

Ayon naman kay DSWD Usec. Malou Turalde-Jarabe, “Mahirap maging magulang lalo na kung nag-iisa at ilan ang anak. Mahirap ibigay ang pisikal, pinansiyal at sikolohikal na kagalingan ng mga bata.”

“Gawin ang pagkakaisa upang ang ating mga hinaing ay mabigyan ng karampatang aksyon. Hangaad ko na lalong tumatag ang inyong mga samahan upang mas marinig ang inyong nagkakaisang boses,” dagdag pa ni Turalde-Jarabe.

Ang paggunita ay may temang “18 Years Old na ang RA 8972, Kumusta na mga Solo Parents?” Ito ay ginanap sa DSWD Central Office at dinaluhan ng lagpas sa 200 na mga miembro at opisyales ng Federation of Solo Parents Luzvimin, ang punong organisasyon ng abot sa 20 asosasyon ng mga solo parent sa buong bansa.

Ang mga aktibidad sa araw na iyon ay kinabilangan ng konsultasyong medikal kasama na ang pagbibigay ng libreng gamot; legal advice, mga orientasyon sa “home-based jobs”, talakayan at candle lighting ceremony para sa mga pumanaw na miembro ng federasyon.

Layunin ng pagdiriwang na magkaroon ng lugar para magkaroon ng pag-uusap tungkol sa mga isyu at konsern sa sektor ang mga solo parent, lokal implementers, mga tagapagtaguyod at steykholders at, magkaroon ng konkretong plano upang maitaguyod ang mga pagsusog sa Solo Parents Act.

Kabilang naman sa mga amiyendang hinihingi ng organisasyon at ng DSWD ang 20% diskuwento sa mga sumusunod: bibilhing damit o tela para sa bata mula sa kaniyang kapanganakan hanggang sa kaniyang ika-12 taon; bibilhing gatas, pagkain, food supplements at sanitary diapers mula sa kapanganakan hanggang tatlong taong gulang ng bata; diskuwento sa mga gamot, ineksyon, suplementong medikal, aksesoris at kakagamitan mula sa kapanganakan ng bata hanggang18 taong gulang; pangunahing pangangailangan; mga gamit sa eskuwela; tuition fee bawat bata na nasa kolehiyo maging publiko o pribado; at diskuwento sa mga bayarin sa ospital ng solo parent o ng anak.

Gayundin, hangad ng ahensya ang: tax amnesty o diskuwento sa real estate o inheritance tax; 20% diskuwento sa konsultasyon, bayaring laboratory diagnostic at gamot ng solo parent o ng anak; karagdagang basic personal exemption sa individual income tax sa halagang limapung libong piso (Php 50,000.00); at 20% diskuwento sa mga pribado o pampublikong “recreational facilities” kung magkasama ang solo parent at ang kaniyang mga anak.

Gayundin, layon ng mga nagsusulong na pagkakaroon ng pitong araw na “parental leave with pay” sa mga solo parent na nakapagtrabaho ng sobra sa anim na buwan kahit ano pa man ang kanilang employment status; reduksyon ng paghihintay para magkaroon ng “Solo Parent Identification Card” mula isang taon tungo sa anim na buwan; at karagdagang 15 araw sa expanded maternity leave. (PIA-NCR)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1014956
Latest News | Philippine Information Agency

Comments