Tagalog News: Mga estudyante sa MSU-GenSan hinikayat na suportahan ang FOI Program

LUNGSOD NG HENERAL SANTOS, Hulyo 30 (PIA) – Nakiisa ang mga estudyante ng Mindanao State University – General Santos sa pagsusulong na maisabatas ang Freedom of Information o FOI.

Umabot sa mahigit 500 estudyante ang dumalo sa FOI Campus Caravan na naglalayong mabigyan ng access ang publiko lalo na ang mga kabataan sa mga impormasyong hawak ng gobyerno.

Ayon kay FOI Program Director at PCOO Asst. Secretary Kris Ablan, layunin ng aktibidad na maipalaganap ang FOI sa mga unibersidad sa buong bansa.

Dagdag pa ng opisyal, maaaring gamitin ng mga estudyante ang eFOI portal upang makakalap ng mga mahahalagang impormasyon sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan.

"Sa mga kababayan natin sa Mindanao, hindi na niyo kailangan pumunta sa Maynila para kumuha ng impormasyon mula sa DOT, DPWH, DSWD. Bumisita lamang sa aming website www.foi.gov.ph at kayo ay makakakuha ng tugon mula sa kinauukulang ahensya sa loob ng 15 araw,” ayon kay Ablan.

Ang MSU General Santos ang unang unibersidad sa South Central Mindanao na pinagdausan ng nasabing caravan.

Kabilang din sa mga tinalakay sa forum ang mga programa ng Dangerous Drugs Board upang sugpuin ang pagkalat ng iligal na droga sa bansa. (ORVRivera)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1025190
Latest News | Philippine Information Agency

Comments