Tagalog News: 180 pasyente, nakinabang sa surgical mission sa Surigao del Norte

LUNGSOD NG SURIGAO, Surigao del Norte, Setyembre 16 (PIA) -- Nasa 180 ang natulungan ng libreng operasyon ng ilang foundation katuwang ang lokal na pamahalaan ng Surigao del Norte at mga ospital.

Sa unang dalawang araw ng surgical mission na isinagawa sa Surigao del Norte Provincial Hospital o SDNPH, umabot sa 54 na pasyente ang sumailalim sa major surgery para sa hernia, thyroid mass at iba pa. Animnapu’t limang pasyente naman ang sumailalim sa minor operation.

Ayon kay Dr. Chrismar Mocorro, officer-in-charge ng SDNPH, wala nang binayaran ang mga benepisyaryo dahil sagot na ito ng social services fund ng provincial government office.

“Layunin natin na matulungan ang mga pasyente kaya’t hanggang maaari ay wala silang dapat bayaran. Libre lahat kasali na ang medisina. Kakaiba ito sa lahat ng medical mission na naisagawa na dito sa amin dahil sa presensya ng pathologist kung saan yung mga reading ng masses gaya ng ceast at tumor ay malalaman natin agadkung ito ba ay malignant o hindi,” sabi ni Mocorro.

Samantala, bukod sa 47 na pasyenteng natulungan para sa minor surgery na isinagawa sa Dapa District Hospital ay nakinabanag din sa libreng konsultasyon lalo na ang mga hindi nag-qualify na maoperahan.

“Ang misyon namin ay tumulong sa mga pasyente ng Pilipnas na kailangan ng operasyon. Kaya ginagawa namin yan sa tatlong bagay. Isa nito ay yung pagbibigay ng libreng operasyon; pangalawa, yung mga ospital na kulang ng gamit ay tinutulungan namin sila sa mga kagamitan; at pangatlo, yung mga local surgeons, anesthesiologists, at nurses tinuturuan din naming,” sabi ni Dr. Lester Suntay, presidente ng World Surgical Foundation (WSF).

Lubos naman ang pasasalamat ng mga natulungang pasyente. Malaking tulong daw ito para sa kanilang kalusugan at mga pangangailangang medikal.

“Malaking tulong talaga ito sa akin. Masayang-masaya ako dahil sa wakas ay masolusyunan na rin ang matagal ko nang pagtitiis dahil sa aking sakit na hernia. Maraming salamat po sa lahat ng tumulong lalung-lalo na ang mga doctor,” sabi ni Remegio Caligner, 64 na taong gulang.

Ganun din naman ang malaking pasasalamat ni Corazon Morillo nang matagumpay na maoperahan ang bukol sa kanyang dibdib. “Ikinagalak ko po ng lubos na may mga organisasyon, tao at doktor na buong pusong tumulong sa amin na walang pambayad sa pangpagamot,” sabi ni Morillo.

Malaki rin ang naiambag ng Megawide Foundation (MF) sa ginanap na surgical mission. Ayon kay Sheila Lynn Nawata, MF chief operating officer, ikinalugod nilang makipagtulungan sa WSF dahil sa mga mahuhusay at mapagkakatiwalaang mga doctor nito.

“Sila talaga ay nagbigay serbisyo upang matugunan ang surgical backlog sa underserved na mga komunidad. Kaya layunin din ng Megawide Foundation na mabigyan ang underserved Filipino communities ng first-world solutions. Umaasa kami na mas marami pa kaming matulungan,” sabi ni Nawata.

Ang surgical mission sa Surigao del Norte ay pampito sa mga isinagawa ng mga nasabing foundation at nakahanay na ring gawin ito sa Roxas City, Ilocos at Sorsogon ngayong taon. (VLG/PIA-Surigao del Norte)

#WorldSurgicalPhilippines #WorldSurgicalFoundation #MegawideFoundation


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027367
Latest News | Philippine Information Agency

Comments