Tagalog News: 200 PWDs sa Bauan, ipinagdiwang ang NDPR Week

LUNGSOD NG BATANGAS, Set. 16 (PIA)- Humigit kumulang may 200 Persons with Disability (PWD) sa bayan ng Bauan ang dumalo sa pagdiriwang ng ika-41 National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week noong ika-20 ng Agosto sa Bauan Municipal Lobby.


Tampok sa pagdiriwang ang forum ukol sa Universal Health Care Act na tinalakay nina Bb. Kris Dianne Ebe at G. Sherwin Solis, mga kinatawan mula sa Philhealth Batangas.
 
Ilan sa mga paksang napag-usapan ang mga kailangang datos para maging miyembro ang isang PWD, paano magagamit ang Philhealth ID at mga kalakip na benepisyo nito.


Sa mensahe ni Bauan PWD Committee Chairperson Mely Castillo, sinabi nito na isusulong niya ang panukalang pagkakaroon ng P500 honorarium ng mga coordinator sa bawat barangay.


Nagpahayag naman ng buong suporta si Vice Mayor Bojie Casapao at lahat ng konsehal ng bayan sa pagtulong sa mga taong may kapansanan. Kasunod nito ay namahagi ng wheel chair at saklay na magagamit ng mga PWDs.

“Malaki ang pasasalamat ko at maging ang mga kapwa  ko PWDs sa lahat ng suportang ibinigay ng lokal na pamahalaan dahil sa pagpaparamdam sa mga may kapansanan ng kanilang hangaring maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat isa,” pahayag ni G. Nelson Adante, pangulo ng Federation of Persons with Disabilities of the Province of Batangas Inc. (FPDPBI).


Ang pagdiriwang NDRP week ay taunang isinasagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at FPDPBI. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from PIO BATANGAS PROVINCE)
 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027288
Latest News | Philippine Information Agency

Comments