Tagalog News: 200 residente ng Mauban, nakinabang sa RTF-ELCAC Serbisyo Caravan

MAUBAN, Quezon, Sept. 16 (PIA) -Mahigit sa 200 mga residente ng barangay Cagsiay 3 sa bayang ito ang nakinabang sa medical and dental mission na isinagawa kamakailan sa ilalim ng Serbisyo Karaban ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).

Sinabi ni Local Government Operations Officer-2 Shazen Leo Ambas na ang Serbisyo Caravan ay programa sa ilalim ng ELCAC na magkakatuwang ang mga iba't ibang ahensiya ng gobyerno kasama ang Department of Health (DOH 4-A), Philippine National  Police PNP-4A), Department of Agrarian Reform (DAR-4A), NICA at iba pang mga ahensiya na naglalayong ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga mahihirap na barangay sa lalawigan ng Quezon.

“Nilalayon din ng karaban na alamin ang mga pangunahing problema sa mga barangay upang mabigyan ng kaukulang solusyon ng pamahalaan,” sabi pa ni Ambas.

Ayon pa kay Ambas, isa sa mga nakitang problema sa barangay Cagsiay-3 ay ang kakulangan o kawalan ng farm to market road na siyang makakatulong sa mga magsasaka at mga lokal na residente na mabilis na madala ang mga produktong agrikultura mula sa mga barangay patungo sa mga pamilihan.

Maliban sa tulong medikal, may 80 residente rin sa nasabing barangay ang nakinabang sa dental mission na isinagawa ng RTF-ELCAC.

Samantala, ang Commission on Elections (COMELEC) ay naghatid rin ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng pagpapatala ng mga bagong botante. (Ruel Orinday-PIA-Quezon) 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027305
Latest News | Philippine Information Agency

Comments