Tagalog News: Batangas Women’s Cooperative, sumailalim sa entrepreneurship training

LUNGSOD NG BATANGAS, Set. 16 PIA) -- May 30 miyembro ng Batangas City Rural Improvement Club Marketing Cooperative (BCRICMC) ang sumailalim sa dalawang linggong mentoring ng Canadian Executive Services Overseas (CESO) kamakailan.
 
Ang CESO ay isang volunteer organization na nagbibigay ng libreng pagtuturo sa mga small and medium enterprises sa bansa. Ito ay rehistrado bilang national at international development charity na nagsimula ang operasyon noon pang 1967. Binubuo ang organisasyon ng mga Canadian volunteers na nakikipag-ugnayan sa pampubliko at pribadong sector upang makapagturo tungkol sa strategic planning, business development, accounting and finance, organizational development, community development, governance at production and operations.
 
Sinabi ni Chris Stoate, CESO volunteer advisor na layunin nilang maghanap ng mga paraan kung paano makakatulong sa mga kababaihan na maging matagumpay sa pagnenegosyo.
 
Aniya, gumagamit sila ng Theory of Constraints framework kung saan inaalam nila kung ano ang nakakaapekto sa paglago ng kita ng isang negosyo sa kasalukuyan at Strengths, Weakness, Opportunities, Threats (SWOT) analysis upang alamin ang bawat isang supplier.
 
Ayon pa kay Stoate, lahat ay nagsisimula sa mga mamimili kaya’t dapat na maintindihan ng isang negosyante ang kanyang mamimili. Alamin ang pangangailangan nito, bakit nila ito kailangan at saan nila ito binibili.
 
Binigyang-pansin naman ni Dr. Macario Hornilla, pinuno ng Office of the City Veterinary and Agriculture Services (OCVAS) na isa sa pagtutuunan ng pansin ang “packaging” ng mga produkto ng samahan upang mas lalo itong makilala sa merkado.
 
Naging benepisaryo ng proyekto ang BCRICMC sahil sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI). Ang Rural Improvement Club (RIC) ay samahan ng mga kababaihan sa lungsod na nagsimula ng maliit na negosyo sa kanilang barangay. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from PIO BATANGAS CITY)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027293
Latest News | Philippine Information Agency

Comments