Tagalog News: Karapatan ng mga kababaihang may kapansanan mas pinalawak pa sa Caraga

LUNGSOD NG BUTUAN, Set. 17 (PIA) -- Mas pinalawak pa ng Commission on Human Rights (CHR) Caraga ang pagbibigay impormasyon sa mga kababaihan sa rehiyon ukol sa Reproductive Health (RH) at kanilang mga karapatan partikular na ang mga may kapansanan.

Ito ay sa isinagawang focus group discussion (FGD) sa lungsod ng Butuan na dinaluhan din ng iba't-ibang sektor sa Caraga.

Ayon kay Atty. Jerefe Tubigon-Bacang, ang regional director CHR at chairperson ng Regional Gender and Development Committee (RGADC) Caraga, layon nito marinig mula sa sektor ng kababaihan ang mga serbisyong kanilang natatanggap sa ilalim ng reproductive health program, maging ang kanilang hinaing o reklamo ukol dito.

Sinabi naman ni Atty. Twyla Rubin, officer-in-charge ng Gender and Equality and Human Rights office, na nagkaroon na ng inquiry noong 2016 ukol sa access o pag-avail ng mga kababaihan sa mga programa ukol  sa reproductive health at kung ano ang mga hamong kanilang kinaharap bago ito makuha.

Ayon naman kay Karen Gomez-Dumpit, focal commissioner on women ng CHR, ang mga kakaibahan na biktima ng pangbubugbog, pangungutya, pang-aabuso, pananakot, panunukso at marami pang iba ay nahihirapan sa paghingi ng tulong sa mga kinauukulan, dahil na rin sa kakulangan ng tamang impormasyon.

Pagtitiyak naman ng opisyal handa ang pamahalaan na umalalay sa mga biktima upang makamit ang hustisya.

Inaasahang matatapos sa Oktobre ngayong taon ang pagkalap ng mga resulta sa isinagawang national inquiry mula sa ibat-ibang rehiyon at pagkatapos nito ay bubuo ng action plan ang mga kinauukulang ahensiya upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng sektor ng kababaihan.

Samantala, ibinahagi naman ng mga kalahok sa aktibidad na malaking tulong ang pagsagawa ng FGD ng CHR para marinig din ang kanilang boses at mabigyan ng pamahalaan ng agarang aksyon.

"Masaya kami at marami kaming natutunan dito at naibahagi din namin ang aming mga hinaing upang matugunan din ng maayos ng mga kawani ng gobyerno," sabi ni Rodora Fuentes, isang PWD (person with disability). (May Amor O. Alabado/JPG, PIA-Caraga)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027393
Latest News | Philippine Information Agency

Comments