Tagalog News: BOOKS program, inilunsad ng Pilipinas Shell Foundation

LUNGSOD NG BATANGAS, Okt. 16 (PIA) -- Inilunsad ng Pilipinas Shell Foundation (PSFI) ang Building, Organizing and Operating Libraries and Knowledge-Based System (BOOKS) Program sa Ambulong Elementary School Library kamakailan.
 
Sinabi ni PSFI Program manager Olivia Sorio, na layunin nito na mahikayat ang mga kabataan na magbasa, mapaganda at mapunuan ang kakulangan sa gamit ng mga aklatan sa host community ng Shell Refinery.

"Sa loob ng 37 taon ng PSFI, malaking bahagi ng underpriviledged at disadvantaged ng populasyon sa mga host barangays ang natulungan kung kaya’t inaasahan namin na mas maraming kabataan pa ang makikinabang at matutulungan nito," mensahe ni PSFI Executive Director Sebastian Quinones.

Ilan sa mga naging kabahagi ng pagsasakatuparan ng naturang programa ang Department of Science and Technology (DOST) para sa STAR books project at Project Aklat ng National Bookstore Foundation Inc. (NBSFI).
 
Inilahad ni Dr. Felina Malabanan, DOST Provincial Director, na ang Science and Technology Academic and Research-based openly kiosk Station (STAR) books ang unang Philippine Science digital library.

"Ang STAR ay hindi nangangailangan ng internet, ito ay multiple user at free software na inilagay ng DOST sa limang computer units na ipinagkaloob ng PSFI sa nasabing paaralan. Ito din ay naglalaman ng iba’t-ibang DOST documentaries, interactive science and mathematics, educational videos for advance learners, nuclear technology, Philippine Journal of Science, investigatory projects at livelihood videos na pakikinabangan hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging mga guro at magulang," ayon kay Malabanan.
 
May 3,935 paaralan sa buong bansa ang naging benepisaryo na ng STAR Books project. Ito ay nagtamo na ng ilang awards at tinanghal bilang outstanding library program.
 
Ang Project Aklat naman ay 14 na taon ng isinasagawa ng National Bookstore. Hangarin nito na magdala ng aklat sa bawat sulok ng bansa. May 50 paaralan na sa lalawigan ng Batangas ang nakinabang. Nagbibigay ng 500 story books sa kanilang mga benepisaryo ngunit dahil nakipagtuwang sa PSFI, may 1,000 aklat ang ipinagkaloob sa Brgy. Ambulong.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Ambulong Elementary School sa malaking tulong na ito na pakikinabangan ng may 628 na mag-aaral. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from PIO Batangas City)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1028747
Latest News | Philippine Information Agency

Comments