OMNHS Mangrove Eco-park, dadaan sa rehabilitasyon

Tinanggap ni OMNHS Principal IV Nimrod F. Bantigue (ikalima mula sa kaliwa) ang sertipikasyon ng tulong pinansiyal na P500,000 mula sa Pamahalaang Lungsod ng Calapan na ipinagkaloob ni Mayor Arnan C. Panaligan (gitna) para sa rehabilitasyon ng OMNHS Mangrove Eco-park sa selebrasyon ng People's Day kamakailan. (Larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Nob 25 (PIA) –- Tumanggap ng tulong-pinansiyal ang Oriental Mindoro National High School (OMNHS) para sa rehabilitasyon ng kanilang Mangove Eco-park.

Ang pondo ay mula sa pamahalaang lungsod ng Calapan, na tinanggap ng paaralan noong People’s Day sa City Plaza Pavilion noong Nobyembre 19.

Ayon sa punong guro ng paaralan na si Nimrod F. Bantigue, malaking tulong ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan na P500,000 na magagamit para sa rehabilitasyon ng apat na hektaryang Mangrove Eco-park na matatagpuan sa gilid ng Calapan River sa loob ng nasabing paaralan.

Nakatakda aniyang ipaayos ang ikatlong bahagi ng parke kung saan kanila itong lalagyan ng mahabang kongkretong tulay na siyang dadaanan ng mga nais makita ang kabuuan ng naturang lugar at ang pagtatanim ng mga puno ng bakawan upang magsilbing pananggga sa agos ng tubig mula sa ilog.

Bukod dito, nakapagbigay na sa kabuuan ang pamahalaang lungsod ng P800,000 sa loob ng tatlong magkakasunod na taon para sa unang bahagi na maisaayos ang lugar na dati’y isang dumpsite ng paaralan kasunod ng ikalawang bahagi kung saan inayos ang lugar na nilagyan ng iba’t-ibang pananim kabilang ang mga puno ng bakawan.

Dagdag pa ni Bantigue, maglalagay din sila dito ng butterfly at herbal garden, activity kiosk at tree house sapagkat nakita niya na luntian ang kapaligiran kung kaya hiling niya sa mga estudyante ng OMNHS ay kanila itong alagaan.

Samantala, nag-iwan ng hamon ang alkalde para sa mga estudyante ng OMNHS, “pangalagaan at ipagpatuloy ang magandang nasimulan para na rin sa kapakinabangan ng iba at sa mga susunod pang henerasyon ng mag-aaral na siyang mangangalaga rito.” (DN/PIA-OrMin)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1030609
Latest News | Philippine Information Agency

Comments