PRLEC Convergence, inilunsad ng TESDA sa General Nakar

GENERAL NAKAR, Quezon, Set 28 (PIA)--Inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) convergence sa munisipyo ng bayang ito noong Setyembre 24 sa pangunguna nina TESDA  Region-4A Regional Director Toni June Tamayo at TESDA Quezon Provincial Director Gerry Marasigan.

Sinabi ni Marasigan na ang PRLEC convergence ay ang pagsasama-sama ng iba't-ibang ahensiya ng pamahalaan kasama na ang TESDA na may layuning magbahagi ng kaalaman at kasanayan sa paghahanaphuhay sa mga mahihirap na barangay. 

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng may 25 residente na kinabibilangan ng mga katutubo at mga rebel returnees mula sa Barangay Lumutan na sasailalim sa pagsasanay na "Organic Agriculture Production NC-II sa loob ng 12 araw. Kabilang sa mga paksa ng pagsasanay ang paggawa ng organic fertilizer, mga paraan o kung paano mag-alaga ng organic chicken, organic na kambing  at organic vegetable. 

"Ang Barangay Lumutan ay identified ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para mabigyan ng sustainable livelihood o pagsasanay sa organic agriculture production NC-II", sabi pa ni Marasigan

Sinabi naman ni Director Tamayo na ang proyekto ay sustainable at hindi 'ningas kugon' at naglalayong matulungan ang mga benipisyaryo ng programa na mapalago ang mga proyektong pangkabuhayan na ibinibigay ng pamahalaan.

"Ang TESDA ay magbibigay din ng training allowance sa pagdalo ng mga benipisyaryo ng programa samantalang ang iba pang ahensiya ng ating pamahalaan na nagpahayag ng pagsuporta sa programa ay tutulong din", sabi pa ni Director Tamayo

Sinabi pa ni Tamayo na nilalayon din ng paglulunsad ng PRLEC na wakasan mga karahasan o local communist armed conflict. 

Tampok din sa paglulunsad ng programa ang  paglagda sa pledge of commitment ng mga ahensiya ng pamahalaan na kasapi ng Quezon Provincial Poverty Reduction and Livelihood Employment Cluster (PRLEC). 

Samantala, naging bahagi rin ng programa ang paglulunsad ng Solar Power Lighting System sa Barangay Pagsangahan kung saan may 55 mga benepisaryo ang makikinabang kabilang ang mga katutubo at mga rebel returness. (Ruel Orinday/ PIA-Quezon)

 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1054329
Latest News | Philippine Information Agency

Comments