Tagalog News: Tertiary education subsidy ng CHED-Mimaropa, nagpapatuloy

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 28 (PIA) -- Tuloy-tuloy na ipinagkakaloob ng Commission on Higher Education (CHED)-Mimaropa ang programa nitong Tertiary Education Subsidy sa mga kuwalipikadong estudyante sa kolehiyo.

Ito ang sinabi ni Atty. Joselito Alisuag, direktor ng CHED Regional Office sa ginanap na virtual presser ng PIA-Mimaropa kamakailan.

Aniya, sa kasalukuyan ay mayroong 3,000 mga estudyanteng benepisyaryo ng programa sa lalawigan ng Palawan mula sa pribado at pampublikong mga state colleges and university (SUC).

Bawat benepisyaryo ng programa ay tumatanggap ng P20,000 hanggang P30,000 kada semester.

Tinuran pa ni Alisuag na isa sa mga kinakaharap na suliranin sa ngayong may pandemya ay ang kawalan ng kakayahan ng mga magulang na ipagpatuloy sa pagpapaaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo, kung kaya ito ang tugon ng pamahalaan para sa mga mahihirap na kuwalipikadong estudyante.

Kaugnay nito, hinikayat din ng opisyal ang mga nasa kolehiyo na sa bagong sistema ng edukasyon sa kasalukuyan, mas makabubuting mag-enroll ang mga ito sa mga unibersidad katulad ng palawan state university campus sa kani-kanilang munisipyo at hindi na kinakailangang ipagpatuloy ang pagpapatala sa main campus ng unibersidad sa lungsod ng Puerto Princesa. (LBD/PIAMIMAROPA)

 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1054410
Latest News | Philippine Information Agency

Comments