Tagalog News: Kaso ng Teenage pregnancy sa Batangas City, bumaba

LUNGSOD NG BATANGAS, Pebrero 7 (PIA)- Bumaba ang kaso ng teenage pregnancy dito sa lungsod kung saan mula sa 879 noong 2016 ay nasa 682 na lamang ito noong 2018 base sa datos ng City Health Office (CHO).

Kaugnay nito, isinasagawa ng nasabing ahensya ang Adolescent Health and Development Program (ADHP) kung saan ginaganap ang information education campaign sa lahat ng mga kabataan at kanilang magulang upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman ukol dito.

Ayon kay Murita Cunanan, Population Program Officer IV, isa sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy ay ang kawalan ng buong pamilya, wala ang ina  o ama at ang pagiging “exposed” ng mga kabataan sa social media kung saan madaling ma-access ang mga porn sites o magkaroon ng karelasyon na nakilala dito.

“Karamihan sa mga batang nagkakaroon ng ganitong kaso ay yaong mula sa mga dysfunctional family, hiwalay ang mga magulang o kaya wala ang ama o ina para gumabay sa kanila. Kalimitan sila ay naiiwan sa kalinga ng mga kamag-anak o kung kasama man ang alinman sa magulang ay hindi nabibigyan ng sapat na oras para alamin ang kanilang kalagayan. Isa ring itinuturing na dahilan ay ang kahirapan na siyang nagtutulak sa mga kabataang babae upang pumasok sa prostitusyon upang kumita ng pera para sa pamilya o para may maipangtustos sa pag-aaral,” ani Cunanan.

Batay sa tala ng CHO, kabilang sa 10 barangay na may mataas na kaso ng teenage pregnancy ang mga sumusunod: Sta. Clara, Malitam, Cuta, Wawa, Sta. Rita Karsada, Balagtas, Tinga Labac, Bolbok, Kumintang Ilaya, Alangilan at Balete.

Naglagay rin ang CHO ng mga teen kiosks sa kanilang tanggapan at maging sa ilang mga paaralan tulad ng Batangas National High School, Lyceum of the Philippines University Batangas (LPUB) at iba pang paaralan. Dito maaaring sumangguni at mabigyan ng counseling ang mga kabataan para sa tamang impormasyon ukol sa reproductive health.

Nagsasagawa din ang City Population Division (CPD) ng Peer Education Training sa mga piling estudyante sa mga pampublikong sekondarya na siyang magsisilbing young educators na maaaring lapitan at magbigay ng gabay at tamang kaalaman sa kapwa kabataan.

Bukod dito, ang programang YAKAGIN o Youth and Adolescent Key Areas and Geographic Information Network, isang online system na maaaring gamitin upang hanapin ang mga health centers, ospital at mga eskwelahang nagbibigay ng serbisyong medical para sa mga kabataan.

Ito ay itinuturing na isang Adolescent Youth (AY)-friendly facilities na maaaring makipag-usap sa mga staff para makahingi ng kailangang impormasyon o payo. 

Ilan sa mga paaralang nabigyan ng orientasyon ukol sa YAKAGIN ang Lyceum of the Phils. University Batangas (LPU-B), Batangas State University (BatStateU), Batangas National High School (Banahis) at mga health service providers ng CHO. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS, PIA4A)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1018176
Latest News | Philippine Information Agency

Comments