Feature: Ang Tres Marias sa Likod ng Watawat ng Pilipinas
Mahalaga ang naging bahagi ng kababaihan sa kasaysayan ng ating bayan. Sa kanilang simpleng pamamaraan, gamit ang kanilang kakayahan, sila ay tumulong upang ang ating mahal na bayan ay makahulagpos sa tanikala ng malulupit at mapang-aping dayuhan. Kasama rito ang tatlong babaeng gamit ang kanilang husay sa pananahi at sa sining ng pagbuburda, ginawa nila ang bandila ng Pilipinas sa gitna ng himagsikan.
Bandilang pumukaw sa damdaming bayan ng mga Filipino at nagsilbing inspirasyon upang kahit kapos sa sandata ay matapang na lumaban sa dayuhang nanlupig sa ating bayan.
Ating kilalanin ang tatlong babae o “Tres Marias” na tumahi at nagburda ng bandila ng Pilipinas na sina Marcela M. Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad.
Marcela Mariño Agoncillo
Ipinanganak noong ika-24 ng Hunyo 1859 sa Taal, Batangas, kilala si Doña Marcela Mariño Agoncillo sa pagiging makabayan at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa. Kasama ng kanyang asawa na si Don Felipe Agoncillo, nagbibigay sila ng libreng serbisyong legal sa mga naghihirap nilang mga kababayan lalo na sa mga taong biktima ng pang-aabuso ng mga Espanyol.
Nanirahan siya sa Hongkong kasama ang kanyang asawa at mga anak upang iwasan ang pagkadakip matapos akusahan si Felipe na filibustero o kaaway ng simbahan at gobyerno. Upang makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya, ipinagbili niya ang kanyang mga namanang alahas.
Ang kanilang tahanan ay nagsilbing santuwaryo ng mga Filipinong ipinatapon ng mga Espanyol. Isa na rito si Heneral Emilio Aguinaldo. Siya ang nag-atas kay Doña Marcela na tumahi at magburda ng kaniyang dinisenyong bandila ng Pilipinas. Katuwang ang panganay na anak na si Lorenza Agoncillo at pamangkin ni Dr. Jose Rizal na si Delfina Herbosa de Natividad, manwal nilang tinahi ang bandila sa loob lamang ng limang araw.
Patuloy din na sinuportahan ni Doña Marcela ang kanyang asawa bilang kauna-unahang Filipinong diplomat. Nang sila ay bumalik sa Pilipinas, nagpatuloy ang pagtulong niya sa kapwa.
Si Doña Marcela ay pumanaw noong ika-30 ng Mayo 1946 sa edad na 86, isang taon matapos ang pagsakop ng bansang Hapon sa Pilipinas.
Lorenza Agoncillo
Si Lorenza ay ang panganay na anak nina Dona Marcela at Felipe. Pitong taong gulang pa lamang siya noong tinulungan niya ang kanyang ina na tahiin ang unang watawat ng Pilipinas. Siya ay nakapagtapos sa Philippine Normal School o mas kilalang Philippine Normal University ngayon at inialay ang buhay sa pagtuturo. Si Lorenza ay naging guro sa Malate Catholic School sa Maynila sa loob ng 50 taon. Pumanaw siya sa edad na 81 dahil sa katandaan.
Delfina Herbosa de Natividad
Si Delfina ay ang pamangkin ng kinikilalang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Maikli man ngunit naging makabuluhan ang kaniyang buhay. Sa edad na 13 taong gulang, sumapi si Delfina sa Katipunan dahil sa pang-aapi ng mga Espanyol sa kanyang ama na hindi pinayagang maiburol sapagkat hindi ito nangumpisal. Kasama na rin dito ang ginawa ng mga Espanyol sa kaniyang tiyo na si Dr. Jose Rizal.
Pumanaw si Delfina sa edad na 20 dahil sa matinding kalungkutan dulot ng pagkamatay ng kaniyang 2 taong gulang na anak na si Paz Herbosa de Natividad nang mahulugan ito ng lampara.
Philippine National Flag Days
Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 374 na inilabas noong ika-6 ng Marso, 1965 idineklara ang ika-28 ng Mayo bilang National Flag Day upang gunitain ang araw na nagtagumpay ang mga Filipino laban sa mga Espanyol sa Labanan sa Alapan, Imus, Cavite noong ika-28 ng Mayo 1898. Ito rin ang araw na ipinakita ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa Teatro Caviteño sa Cavite Nuevo ngayon ay Cavite City ang watawat ng Pilipinas na pinatahi nya sa Hongkong. Noong ika- 23 ng Mayo, 1994 inilabas ang Executive Order No. 179 na nagpapahaba ng selebrasyon ng National Flag day hanggang ika-12 ng Hunyo taon taon.
Lahat ng Filipino ay hinihimok na magladlad ng watawat ng Pilipinas sa panahong ito sa mga tanggapan, ahensiya at instrumento ng pamahalaan, sa mga paaralan, establisyemento at mga tahanan.
Sanggunian:
del Rio, B. (2019, May 28). Marcela Agoncillo: The shero responsible for the Philippine flag. Preen.Ph. https://preen.ph/96489/marcella-agoncillo-the-shero-responsible-for-the-philippine-flag
DFA. (n.d.). PHILIPPINE FLAG. Sydneypcg.Dfa.Gov.Ph. https://sydneypcg.dfa.gov.ph/78-the-consulate/688-philippine-flag#:~:text=PHILIPPINE%20FLAG%20%E2%80%93PROTOCOL,Jose%20Rizal
Flag | Philippine Embassy of Canberra Australia. (n.d.). Philembassy.Org.Au. https://www.philembassy.org.au/the-philippines/flag#:%7E:text=The%20Making%20of%20the%20Filipino,the%20Philippine%20National%20Hero%20%2D%20Dr.
“Flag Of Our Mothers”: Little-Known Facts About The Trio Who Made The Philippine Flag. (2020, October 8). FilipiKnow. https://filipiknow.net/philippine-flag/
Kahimyang. (2013, October 26). Today in Philippine history, June 24, 1859, Marcela Agoncillo was born in Taal, Batangas. The Kahimyang Project. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1637/today-in-philippine-history-june-24-1859-marcela-agoncillo-was-born-in-taal-batangas
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1076452
Latest News | Philippine Information Agency