Tagalog News: Mga kababaihang may kapansanan, binigyang pagpapahalaga sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS, Mayo 14 (PIA)- May 340 kababaihang may kapansanan ang nakibahagi sa pagdiriwang ng Women With Disabilities Day na ginanap sa Provincial Auditurium Capitol Compound sa lungsod kamakailan.
 
Sa temang “Sabay-Sabay, Pantay Pantay sa Pag-unlad ang mga Kababaihang may Kapansanan,” isang programa ang isinagawa bilang pagbibigay halaga sa mga kababaihang may kapansanan mula sa iba’t-ibang lungsod at munisipalidad sa lalawigan.
 
Nagsilbing panauhing pandangal sa programa sina Governor Hermilando Mandanas; Batangas Provincial Federation of Women with Disabilities President, Hildegonda Del Mundo; PDAO Head, Mr. Edwin Abelardo N. De Villa; at, mga estudyante mula sa Workability Skills Training Center Foundation, Inc.
 
Aktibong kalahok din sa pagtitipon sina Provincial Cooperative Livelihood, Enterprise Development Office (PCLEDO)Department Head Celia Atienza at PSWDO Chief Joy Montalbo.
 
Ayon kay Governor Mandanas, ito ay natatanging araw para sa mga kababaihang may kapansanan dahil sa kabila ng kanilang kundisyon marami pa rin sa kanila ang nagpupursigi upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan at nagnanais na makapagbahagi ng anumang talento o kaalaman na mayroon sila upang magsilbing inspirasyon sa iba pang tao.
 
Nagbigay naman ng ilang tips o tamang pamamaraan sa paghahawak ng salapi si Ms. Aileen Constantino-Peñas, ang Deputy Executive Director ng Atikha Inc. 
 
“Para po sa ating mga kababaihan, mas mainam na unahin natin ang pag-iipon para sa kinabukasan at sa mga darating na pangangailangan bago pagbigyan ang luho ng ating katawan para pagdating ng oras ng kagipitan ay hindi tayo mahihirapan. Bago natin bilihin ang isang bagay ay dapat isipin muna natin kung kailangan nga natin ito o hindi,” paaalala ni Penas.
 
Samantala, nagbigay ang provincial health Office ng mga payo ukol sa kalusugan  at mga turong pangkabuhayan mula sa PCLEDO. Nagbahagi din ang Technical Education and Skills Development Authority ng maaaring pagkakitaan ng mga kababaihang may kapansanan bukod pa sa pagbibigay ng libreng manicure,pedicure, haircut at massage sa mga lumahok sa pagdiriwang. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1021666
Latest News | Philippine Information Agency

Comments