Tagalog News: Mga magulang mula sa ibat-ibang barangay sa Butuan City, tinalakay ang mental health

LUNGSOD NG BUTUAN, Setyembre 30 (PIA) -- Bagamat abala sa trabaho, gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak, naglaan ng oras ang ilang mga magulang mula sa ibat-ibang barangay sa lungsod para sa ika-27th selebrasyon ng National Family Week ngayong buwan ng Setyembre.

Kabilang sa mga tinalakay rito ang usapin sa mental health and wellness, responsible parenting at family planning.

Sa tulong ng resource persons mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, nadagdagan pa ang kaalaman ng mga magulang sa mga mahahalagang usapin sa pamilya lalo na ang positibong pagdidisiplina sa mga anak.

Isa si Ellen Malalom, residente ng Barangay Pagatpatan na may 10 anak sa aktibong nakibahagi rito kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan at hamong kinakaharap ng kanyang pamilya.

Sinabi niya na hindi madali ang pagiging magulang lalo na’t sampu ang kaniyang anak, at ilan dito ay minsan na ring napabilang sa “child at risk” o yung mga minor-de-edad na naglalayas o nasa lansangan.

“Hindi madali ang pagiging magulang sa mga anak lalu na sa akin na 10 sila. Minsan na rin akong dumaan sa depresyon dahil sa mga problema at hamon sa aming pamilya. Patuloy lang tayong manalig at huwag mawalan ng pagasa. Mas lalo nating ipakita sa ating mga anak kung gaano natin sila kamahal,” pahayag ni Malalom.

Ayon kay Luzvilla Fortun, focal person ng family, women and community section ng City Social Welfare and Development (CSWD) sa Butuan, mahalaga ang paglaan ng oras at komunikasyon sa bawat miyembro ng pamilya upang maiwasan ang ano mang hindi pagkakaintindihan at nang maayos agad ang ano mang problema.

“Patuloy an gaming ginagawang counseling sa mga magulang sa mga barangay at handa kaming tumulong sa bawat pamilya na nangangailangan ng patnubay. Isinusulong natin ang mga aktibidad na mas lalu pang magpapatibay sa relasyon ng pamilya,” sabi ni Fortun.

Samantala, binigyang-diin din ni Edilyn Pujadas, focal person for family sector ng DSWD-Caraga na kailangang pagtuonan ng pansin ang mental health dahil ito ang kadalasang isyu sa pamilya partikular na ang pagkakaroon ng depresyon.

“Mahalaga na mas matutukan pa ng mga kinauukulang ahensiya ang isyu sa mental health dahil marami na rin ang nakakaranas nito. Ito rin ang madalas na isyu sa pamilya na nababaliwala at nagdudulot pa ng ibang problema, kaya napapanahon ang ating isinasagawang forum ngayon upang mas maintindihan ng mga magulang at pamilya ang pagkakaroon ng kompleto at panatag na pamilya,” sabi ni Pujadas.

Kaugnay nito, aktibo rin ang Regional Inter-Agency Committee for Filipino Family (RIAC-FF) Caraga sa pagawa ng mga aktibidad na mas magpapatibay pa sa relasyon ng bawat pamilya sa rehiyon. Patuloy din ang pagpapatupad ng mga programa para sa ikauunlad ng mga komunidad.

Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 60 na nilagdaan noong September 28, 1992. (JPG/PIA-Caraga)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027985
Latest News | Philippine Information Agency

Comments