Tagalog News: Fishing ban season sa Palawan, hiniling na ilipat

Mga mangingisda at live fish traders sa Palawan

Ang mga mangingisda at live fish traders sa Palawan na dumalo sa isinagawang 'Reef Fish for Catchers Forum', upang hilinging mailipat ng ibang buwan ang 'reef fish for food closed season' na ipinatutupad sa Palawan. (Larawan mula sa Palawan Provincial Information Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt 24 (PIA) -- Hiniling ng mga mangingisda at live fish traders sa Palawan sa pamahalaang panlalawigan at sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang paglilipat ng ipinatutupad na ‘reef fish for food closed season’ sa buwan ng Marso.

Ayon sa mga mangingisda at live fish traders sa Palawan na dumalo sa isinagawang “Reef Fish for Catchers Forum” sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng Kapitolyo, mas mainam na ilipat na lamang sa buwan ng Marso ang closed season ng panghuhuli ng mga isdang bato.  Partikular dito ang suno, na isang uri ng isdang Lapu-lapu upang mapanatili ang produksyon ng reef fish for food sa karagatan at makapagpahinga ang mga bahura na siyang tahanan ng mga isda.

Dagdag pa ng mga mangingisda na ang Nobyembre-Pebrero ang pahanon kung saan nasa tamang laki na ang mga isdang kanilang hinuhuli. Ito rin ang panahon ng kalakasan ng kanilang panghuhuli ng Suno, kung saan ay mataas ang presyo nito sa merkado.

Ang ‘reef fish for food closed season’ ay ipinatutupad sa Palawan batay sa PCSD Resolution No. 676-19 upang maiwasan ang pagkaubos ng mga isdang bato tulad ng lapu-lapu na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa Palawan.

Ipinatutupad ito sa loob ng limang buwan kada taon simula sa unang araw ng Nobyembre at magtatapos sa huling araw ng Marso. Base sa pag-aaral ng mga eksperto, sa loob ng limang buwang pagpapatigil ng panghuhuli ng nasabing uri ng isda ay maaari nang makapangitlog ang mga ito sa dagat at magiging sapat ito upang muling dumami ang kanilang populasyon.

Mahigit 100 mga mangingisda at live fish traders mula sa iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan ng Palawan ang dumalo sa ”Reef Fish for Catchers Forum” noong Oktubre 22.

Pinangunahan ito nina Gobernador Jose Ch. Alvarez at Director Nelson Devanadera ng PCSD kasama sina Board Member Leoncio N. Ola, Board Member Ryan Maminta, Board Member Cherry Pie Acosta, Board Member Albert Rama, at Provincial Information Officer Winston Arzaga.

Napagkasunduan sa ginawang pagpupulong ang paghahain ng isang panukala sa PCSD na ilipat sa buwan ng Marso hanggang Mayo ang closed season upang ang mga mangingisda sa iba’t-ibang lugar sa Palawan ay patuloy na makapanghuli ng isdang Suno hanggang sa buwan ng Pebrero. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1029135
Latest News | Philippine Information Agency

Comments