Tagalog News: Mga nagwagi sa Aral Kalikasan, pinarangalan sa CamNorte

DAET, Camarines Norte, Nobyembre 18 (PIA) -- Binigyan ng parangal ang mga nanalo sa isinagawang patimpalak ng 2019 Aral Kalikasan Program na ginanap sa Little Theater ng kapitolyo probinsiya, Miyerkules, Nob. 13.

Ito ay pinangunahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng Clean Air Month ngayong buwan  na may temang “Labanan ang Polusyon sa Hangin: Kapaligiran at Kalusugan Pangalagaan Natin.”

Ang paligsahan ay batay sa tema ng selebrasyon na nilahukan ng mga mag-aaral sa elementarya mula sa pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan.

Sa oratorical contest, nakamit ni Leonard N. Amores ng Tulay na Lupa Elementary School ng bayan ng Labo ang unang pwesto, pangalawa si Mary France G. Tansico ng F. Baldovino Elementary School ng Daet at pangatlong puwesto si Princess Jerdy Mae Lagatuz ng Labo Elementary School.

Ang isinagawang Oratorical Contest ng Aral Kalikasan Program ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng Clean Air Month ngayong buwan ng Nobyembre na may temang “Labanan ang Polusyon sa Hangin: Kapaligiran at Kalusugan Pangalagaan Natin”. (RBM/ROV-PIA Camarines Norte)

Unang puwesto si Carl Joses D. Carza ng Vinzons Pilot Elementary School para sa Environmental Science Quiz, pangalawa si Nicole D. Trinidad ng Sta. Elena Integrated School at pangatlo si Cedrik Jon M. Dante ng Montessori Children’s House of Learning ng Daet.

Sa patimpalak naman para sa mga guro sa pamamagitan ng Environmental Awareness Challenge for Teachers (E-ACT) ay nakuha ni Lourdez Hazel R. Mago ng Claudio Villagen Elementary School ng bayan ng Labo ang unang puwesto samantalang pangawalang puwesto sina Elaine R. Ibasco ng Cleofas R. Dando Elementary School ng Basud at Christine F. de Luna ng Larap Elementary School ng Jose Panganiban dahil sa pareho ng nakuhang puntos.

Ang mga nagwagi ay tumanggap ng gantimpalang halagang P3,000.00 sa unang puwesto, P2,000.00 sa pangalawa at P1,000.00 para sa ikatlong puwesto.

Ang mga nagwaging mag-aaral at guro na tumanggap ng gantimpa sa patimpalak na Oratorical Contest, Environmental Science Quiz at Environmental Awareness Challenge for Teachers (E-ACT) ng 2019 Aral Kalikasan Program. (RBM/ROV-PIA Camarines Norte)

Kasama rin sa gantimpala ang medalya at certificate of commendation ganundin ang tropeyo para sa paaralan.

Ang mga hindi pinalad na magwagi sa naturang paligsahan ay tumanggap naman ng sertipiko ng pakikilahok. (RBM/ROV-PIA Camarines Norte)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1030246
Latest News | Philippine Information Agency

Comments

  1. Cleofas R. Dando is in Labo po. Malangcao-Basud us the barangay.

    ReplyDelete