Tagalog News: 'Subaraw Festival', binuksan na bilang pambansang kaganapan

Calendar of activities ng Subaraw Biodiversity Festival 2019. (Larawan ni Bert Andone)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Nob 5 (PIA) -- Itinuturing na bilang pambansang kaganapan ang pagdiriwang ng Subaraw Biodiversity Festival ngayong taon,.

Ang selebrasyon ay ginaganap tuwing Nobyembre, na bahagi ng paggunita sa pagkakabilang ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) sa New7Wonders of Nature noong 2012.

Sinabi ni Mayor Lucilo Bayron ng Puerto Princesa na binuksan na ng pamahalaang lungsod ang lahat ng mga aktibidad sa festival para sa mga nagnanais lumahok na ibang siyudad o probinsya sa bansa.

“Nag-decide ang city na i-angat ang lebel ng selebrasyon na ito, dahil sa buong Pilipinas, ito ang pinakapambihira na festival dahil nakatuon sa biodiversity, sa dagat at sa gubat. Itong taon na ito, patunay na tayo ay national event na sapagkat hindi lang sa pageant na ito may mga sumali na mula sa labas ng Puerto Princesa,”pahayag ni Bayron sa press conference ng mga kandidata ng Miss Subaraw Biodiversity.

Sa 30 kalahok sa patimpalak ng Miss Subaraw Biodiversity, 20 dito ang nagmula iba’t ibang probinsiya at siyudad sa bansa.

May mga lumahok din ani Bayron na taga-ibang lugar sa iba pang aktibidad tulad ng frisbee at hiphop.

Hangad din ng pamahalaang lungsod na mai-angat pa ang lebel ng pagdiriwang hanggang sa internasyonal na kaganapan.

“Naisakatuparan na natin na gawing national event itong Subaraw Festival, kaya hindi imposible na sa mga susunod na selebrasyon ay isa na itong international event,” dagdag pa ni Bayron.

Samantala, ayon naman kay Jan Elmer Badilla, tagapagsalita ng pamunuan ng PPSRNP, kung tutuusin, limang taon nang maituturing na internasyonal ang pagdiriwang mula nang maitampok dito ang ‘international bird photography race’, kung saan mula pa sa iba’t ibang bansa ang sumasali sa patimpalak.

Samantala, nagsimula ang mga nakahanay na aktibidad ng Subaraw Biodiversity Festival noong Oktubre 30, at magtatapos naman sa ika-11 ng Nobyembre o ang mismong araw ng PPUR. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1029643
Latest News | Philippine Information Agency

Comments