Tagalog News: Pangangalaga sa Agusan Marsh, pinaigting pa ng lokal na pamahalaan
LUNGSOD NG BUTUAN, Enero 2 (PIA) - Para mas maprotektahan ang Agusan River na pinakamalaking wetlands sa Caraga region, nagpulong ang iba't-ibang ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng pribadong sektor para bumuo ng plano na makakatulong sa pagsalba rito mula sa posibleng pagkasira.
Malaking parte ng Agusan River ang Agusan Marsh Wildlife Sanctuary, na idineklarang protected area sa Agusan del Sur ng dating pangulong Fidel V. Ramos.
Nagsisilbi itong drainage basin na malaking tulong sa mga Agusanon tuwing panahon ng tag-ulan at mula sa pagtama ng bagyo.
Ayon kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane, Jr., mahigpit na pinapatulad ng gobyerno ang Environmental Code sa Agusan Marsh.
Nanawagan din sya sa lahat ng Caraganon na tumulong sa pagpreserba ng mga natural-grown trees na malapit sa wetlands dahil ang mga ito ang nagbibigay-buhay sa Agusan Marsh.
Para naman kay Eugene Taw-on, isang mag-aaral sa Bayugan National Comprehensive High School, mahalaga ang papel ng mga kabataan sa research ng gobyerno at pribadong institusyon maging ang mga hakbang nito para mapanatiling buhay at kapaki-pakinabang ang wetlands ng rehiyon.
Samantala, binigyang-diin ni DENR-Caraga regional director, Atty. Felix Alicer ang kahalagahan ng Agusan River at ang binibigay na benepisyo nito sa mga Caraganon. Isa ito sa mga kilalang tourist spots sa rehiyon.
Sakop ng Agusan Marsh ang mga bayan ng San Francisco, Rosario, Bunawan, Veruela, Loreto, Talacogon At La Paz sa probinsya ng Agusan del Sur. Idineklara rin itong Ramsar Wetland Site noong 1999. (JPG/PIA-Caraga)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1032187
Latest News | Philippine Information Agency