Tagalog News: Obra ng mga Palawenyo artists, tampok sa Buwan ng Sining

Palawan Artist Exhibition
Matutunghayan ang mga obra ng Palawenyo artists sa pamamagitan ng 'Tuklas: A Palawan Artist Exhibit' kaugnay ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining ngayong buwan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/ PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 05 (PIA) -- Tampok sa Pambansang Buwan ng Sining sa Palawan ang obra ng mga Palawenyo artists.

Ito ay sa pamamagitan ng ‘Tuklas: A Palawan Artist Exhibition’, na binuksan sa publiko kahapon kasabay ng pagbubukas ng 'Pagdiriwang ng Buwan ng Sining', kung saan ang lalawigan ng Palawan ang siyang host province ngayong taon.

DAlawampu't dalawang Palawenyo artists ang nagpamalas ng kanilang mga obra na matutunghayan sa SM Mall-Puerto Princesa simula Pebrero 6 hanggang sa Pebrero 10. Ililipat ito sa Robinson’s Place Palawan sa Pebrero 11-17, sunod ay sa NCCC Mall Palawan sa Pebrero 18-24 at panghuli ay sa Palawan Heritage Center sa Pebrero 25-29.

Isa lamang ito sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining sa Palawan na tinaguriang ‘Ani ng Sining’.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Al Ryan S. Alejandre, Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na sa pamamagitan ng paglilipat-lipat sa mga probinsiya sa Luzon ng pagdiriwang na ito ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na manlilikha na maipamalas ang kanilang mga talento at galling sa iba’t-ibang kultura at sining.

Hiling din ni Alejandre na sana ang ‘Palawan Artist Exhibition’ na ito ay maging inspirasyon ng iba pang mga manlilikha upang lumago pa ang kanilang kaalaman at kahusayan sa kani-kanilang larangan sa sining.

May nakatakda ring pagsasanay para sa mga piling katutubo upang malinang ang kanilang pagkahilig sa sining tulad ng paglilok, pagguhit at pagtugtog ng mga instrumento.

Kabilang si NCCA Ambassador for the Arts Catriona Gray sa humampas ng ‘gong’ bilang hudyat ng pormal na pagbubukas ng pagdiriwang kahapon.

Sa pagbubukas nito ay iba’t- ibang aktibidad rin ang magaganap at matutunghayan ng mga Palaweyo kung saan maaring makilahok ang lahat ng libre, kabilang na rito ang ilang workshop sa pag-awit, pagsayaw, pagpinta at marami pang iba. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1034065
Latest News | Philippine Information Agency

Comments