Tagalog News: Seafood KADIWA on Wheels, hatid ay sariwang isda sa abot kayang halaga

Unang inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 4A ang KADIWA on Wheels noong ika-16 ng Abril 2020 sa Community Fish Landing Center (CFLC) sa Barangay San Antonio, Bay, Laguna. (Larawan mula sa BFAR 4A FB Page)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Abril 27 (PIA)--Sariwang mga isda sa abot kayang halaga ang hatid ng Seafood KADIWA ni Ani at Kita on Wheels sa gitna ng enhance community quarantine (ECQ) na ipinapatupad hindi lamang sa CALABARZON kundi sa buong Luzon.

Unang inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 4A ang KADIWA on Wheels noong ika-16 ng Abril 2020 sa Community Fish Landing Center (CFLC) sa Barangay San Antonio, Bay, Laguna upang magkaroon ng sentrong pamilihan ang mamamayan at patuloy na maihatid ang mga serbisyon nauukol sa pangisdaan.

Ang Seafood KADIWA on Wheels sa CFLC ay pinamahalaan ng Bay Federation of Fisherfolk o BFF-Bay na siya ring namamahala sa pagpapatakbo ng CFLC. Ang grupo ay nakapagbenta ng 460 kilo ng mga isda: 150 kilo Tilapia, 250 kilo Bangus, 50 kilo Galunggong at 10 kilo Tinapa sa unang paglulunsad nito.

Ayon sa BFAR 4A, isang nakakatuwang pangyayari sa paglulunsad ng Seafood KADIWA on Wheels ay ang tuloy-tuloy na merkado sa CFLC ng Bay, Laguna. Sa kabuoan ang Seafood KADIWA on Wheels ay nakapagbenta sa CFLC ng 799 kilo ng mga isda mula April 16, 2020 hanggang April 23, 2020.

Kabilang sa mga isdang naibenta ng grupo ay: 140 kilo ng Tulingan, 250 kilo ng Bangus, 150 kilo ng Tilapia, 179 kilo ng Galunggong, 70 kilo ng Tinapang Tamban at 10 kilo ng tuyong Dilis.

Ang Seafood KADIWA on Wheels ay nakapagbenta ng 75 kilo ng Bangus at 50 kilo na Tilapia sa unang arangkada pa lang nito sa San Luis, Batangas. Ito ay iikot sa nasabing bayan tuwing araw ng Martes at Huwebes. (Larawan mula sa BFAR 4A FB Page)

Samantala, hindi lamang sa bayan ng Bay umarangkada ang Seafood KADIWA on Wheels, meron din nito sa San Luis, Batangas; Magallanes, Cavite; at nakatakda rin mag-ikot sa Antipolo City, Rizal.

Noong ika-21 ng Abril, ang Seafood KADIWA on Wheels ay nakapagbenta ng 75 kilo ng Bangus at 50 kilo na Tilapia sa unang arangkada pa lang nito sa San Luis, Batangas. Ang Seafood KADIWA on Wheels ay iikot sa nasabing bayan tuwing araw ng Martes at Huwebes.

Ito ay muling naisakatuparan sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 4A-Post Harvest and Marketing Division (PHMD) at Provincial Fisheries Office (PFO) ng Batangas sa pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan ng San Luis, Batangas.

Dagdag pa rito, ang Seafood KADIWA on Wheels ay umikot sa Barangay Poblacion sa bayan ng Magallanes, Cavite, San Luis Batangas at sa Barangay San Antonio, Bay, Laguna noong ika-23 ng Abril.

Ang Seafood KADIWA on Wheels ay nakapagbenta ng 213 kilo ng Bangus, 193 kilo ng Tilapia sa Magallanes habang sa San Luis Batangas ay nakapagbenta naman ng 125 kilo ng Bangus at 100 kilo ng Tilapia.

Muli itong naisakatuparan sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 4A- Fisheries Post Harvest and Marketing Division (FPHMD) at Provincial Fisheries Office (PFO) ng Cavite, Batangas at Laguna sa pakikipagtulungan ng mga Lokal na Pamahalaan ng Magallanes, Cavite, San Luis, Batangas, at Bay, Laguna.

Sa kabuoan ang Seafood KADIWA on Wheels sa CALABARZON ay nakapagbenta na ng 3, 172.8 kilo ng isda mula April 16, 2020 hanggang April 23, 2020.

Ang Seafood KADIWA on Wheels ay nakatakdang magtungo sa covered court ng Barangay Abiaco, San Luis, Batangas sa Abril 28, simula alas-6 ng umaga at simula alas-6 hanggang alas-8:30 ng umaga sa covered court ng Habitat Village, Barangay San Jose, Antipolo City at sa covered court ng Barangay San Luis, Patnubay I & II, Antipolo City simula alas-9 hanggang alas-11:30 ng umaga.

Ito rin ay nakatakdang magtungo sa Magallanes municipal hall sa Abril 30, 2020 simula alas-6 ng umaga. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula sa BFAR 4A CALABARZON FB Page)

 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1040137
Latest News | Philippine Information Agency

Comments