Tagalog News: ‘Online Orientation’ isinagawa ng mga magaaral at guro ng OMNHS
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Set. 7 (PIA) -- Dahil bawal ang face-to-face learning ngayong school year 2020-2021 sa mga pampublikong paaralan sa bansa, nagsagawa ang Oriental Mindoro National High School (OMNHS) ng class orientation at dry-run sa pamamagitan ng online virtual class bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Isa-isang ipinapaalam sa mga estudyante ang magiging patakaran at sistema ng pag-aaral gamit ang internet o data at kung paano sasagot sa mga pagsusulit pati ang pamamaraan ng pagga-grado.
Bago ito, isinagawa ng mga guro ang oryentasyon sa mga magulang upang ipaalam ang oras ng paguumpisa ng klase at mga subject na kanilang sasamahan sa online class. Kailangan din anya na tutukan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang isinasagawa ang online class.
Samantala, ayon sa mag-aaral na si Dean Antonio, "ang tanging problema lamang po namin sa ganitong sistema ay paano po kung humina ang signal ng internet connection o mawalan ng kuryente, paano po namin maiintindihan ang tinuturo ng aming mga guro?"
Ang tugon naman ng mga guro at estudyante sa kinauukulan, magagawan anila ng paraan ang kinakaharap na problema sa enerhiya upang mapanatiling maayos ang pag-aaral ng mga estudyante.
Ang blended learning ay ipatutupad ng Dept. of Education (DepEd) ngayong school year dahil sa krisis na kinakaharap dulot ng pandemyang COVID-19 at upang maiwasan ang pakikisalamuha ng mga mag-aaral sa paaralan.
Nakatakda ang pagbubukas ng online classes at modular learning sa mga pampublikong paaralan ngayong Oktubre 5. (DPCN/PIA-OrMin)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1052202
Latest News | Philippine Information Agency