Tagalog News: 5 miyembro ng NPA sa Palawan, sumuko sa pamahalaan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Nob. 24 (PIA) -- Boluntaryong sumuko kamakailan sa tropa ng pamahalaan ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Bienvinido Vallever Command (BVC) sa Palawan.
Ayon kay Brigadier General Nestor Herico, commander ng 3rd Marine Brigade, kinilala ang limang nabanggit na sina Reden Angkik, alyas Justin/Jonas/Jaguar/Arjay; Evelyn Rodriguez alyas Laisa; Robin Baylosis alyas Marlo/Mayor; Charlane Juan alyas Yumie/Yuhie; Jupiter Gindaya alyas Armak/Frankie.
Sinabi pa ni Herico na ang nasabing mga rebelde ay lumakad ng halos isang buwan sa bulubunduking bahagi ng northern Palawan para lamang makatakas mula sa mga kasamahan.
Aniya, nang makarating sa kabatiran ng mga ito ang gawain ng mga sundalo sa mga komunidad, minabuti ng lima na tunguhin ang kampo ng marines sa lugar upang isuko ang kanilang mga sarili.
Ayon pa sa opisyal, base sa pahayag ng mga tumakas na rebelde, isa sa mga ito ay may ama na naiwan sa bundok kasama ang ilan sa mga tinaguriang sina Ka Rise at Ka Miggy na kabilang sa BVC.
Agad namang binigyan ng paunang tulong ng lokal na pamahalaan ang mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1059819
Latest News | Philippine Information Agency