100,000 doses ng AstraZeneca vaccines para sa San Juañenos kasado na -Mayor Zamora
LUNGSOD CALOOCAN, Enero 13 (PIA) -- Sigurado na ang 100,000 na doses ng bakuna laban sa COVID-19 para sa mamamayang San Juañenos.
Ito ay matapos pumirma ng Tripartite Agreement si San Juan City Mayor Francis Zamora kasama ang Astra Zeneca at ang Pamahalaang Nasyunal sa pamamagitan ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 nitong ika-10 ng Enero, 2021.
Ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ay naglaan ng P50 milyon para sa pagbili ng nasabing bakuna na ibibigay sa 50,000 mamamayan nitong gustong magpabakuna.
Ayon kay Mayor Francis, huwag mangamba ang mga mamamayan dahil ito ay karagdagan lamang sa ibibigay ng pamahalaang nasyunal. Kung sakaling kulangin, may nakalaan pa namang pondo na puwedeng ipambili.
“Ito ay simula pa lamang ng aming pagsisikap na makapagbigay ng isang ligtas na bakuna laban sa COVID-19 para sa mamamayan ng San Juan,” pahayag ni Zamora.
“Ang Astra Seneca ay isang mapagkakatiwalaang institusyon na nakipagpartner sa United Kingdom upang makagawa ng isang epektibong bakuna para malabanan ang pandemyang ito,” paliwanag niya.
Magugunitang nag-aplay ng emergency use authorization (EUA) ang AstraZeneca sa Food and Drug Administration (FDA) nitong nakaraang ika-6 ng Enero, 2021 para sa kanilang bakuna na AZD1222.
Kapag naaprubahan ng FDA at mayroon ng suplay, ang The NTF naman ang magdedeliver nito sa lungsod.
Inilunsad ng Lungsod San Juan noong ika-4 ng Enero 4 ang online at pisikal na registration para sa mamamayan nito. Sa unang araw pa lamang ng registration ay umabot na sa 5,000 mamamayan ang sumagot sa panawagan ng alkalde na magparehistro.
Sa huling tala naman nitong ika-6 ng Enero, aabot na sa mahigit 8,000 ang naitalang nagparehistro.
Ginagawa ang registration para mabilang kung ilang bakuna ang bibilhin at masegurong walang maiiiwang mamamayan sa laban ng lungsod sa pandemya.
"Ang inisyal na bibilhin nating bakuna at ang karagdagang supply mula sa Pamahalaang Nasyunal ay sapat na para sa bilang ng mga San Juaneñong nais mabakunahan. May natitira pa tayong pondo para sa pagbili ng karagdagang bakuna sakaling may mga kababayan pa tayong gustong magpabakuna," ani Zamora.
Upang mabakunahan, magpalista sa COVID-19 Vaccination Registration online na nakalagay sa FB page ng Lungsod, o sainyong mga barangay at health center.
Para sa online registration, sundan ang link na ito (https://forms.gle/1N39ywUFnUdWwPgDA) o i-scan ang QR Code na nasa tukoy na FB page.
"Kaya mga San Juañenos, kaagad magparehistro at malabanan ang pandemyang dulot ng COVID-19," dagdag pa ng alkalde. (PIA NCR)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1063692
Latest News | Philippine Information Agency