Tagalog News: DA-CALABARZON namahagi ng semilya ng kalabaw at baka, insecticides sa Quezon

Sa ilalim ng Corn Program, namahagi ang Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON, ng 490 bote ng Prevathon insecticides na nagkakahalaga ng P529,200 sa iba’t ibang corn farmers' association (FAs) at mga local government unit (LGUs) sa lalawigan ng Quezon noong ika-18 ng Pebrero, 2021. (Photo: DA-CALABARZON-RAFIS)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Peb. 22 (PIA) --Namahagi ng semilya ng baka, kalabaw, at insecticides ang Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON sa mga bayan ng Mulanay, Tayabas, Lucena City, Infanta, Candelaria, Macalelon, Tiaong, at San Antonio. 

Sa pamamagitan ni Fidel L. Libao, Regional Artificial Insemination (AI) Coordinator at Batangas Agricultural Program Coordinating Officer, may 50 cuplets ng semilya ng baka at 50 cuplets ng semilya ng kalabaw ang ipinagkalob sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Mulanay, Quezon noong ika-17 ng Pebrero, 2021.

Ang AI, o di-likas na pagpapalahi ng mga alagang hayop gaya ng baka, kalabaw, baboy, at kambing, ay isa sa mga proyekto na pinaiigting ng Kagawaran at naglalayong mapataas ang antas at kalidad ng pagpapalahi at paghahayupan sa CALABARZON.

Bukod dito, layunin din ng nasabing proyekto na palakasin ang mga alagang hayop laban sa mga sakit at mapababa ang gastos ng mga magsasaka sa pagpapalahi.

Maliban sa semilya, nagbigay din ang Kagawaran ng tig-apat na bote ng dewormer, anti-biotics, at wound spray; isang kahon ng long glove; at 50 piraso ng AI straw. Pinuno rin ng Kagawaran ang liquid nitrogen tank ng mga taga-Mulanay.

Labis ang pasasalamat ni Gracielle Revilla, Pambayang Agrikultor sa handog na ito ng Kagawaran.

“Malaking tulong po ang mga ito sa pag-upgrade ng lahi ng aming mga baka at kalabaw; at pag-iwas sa pagkalat ng mga sakit. Kasabay po nito ay mapapataas din ang market value ng aming mga alaga at makakatipid kami sa gastusin,” pahayag ni Bb. Revilla.

Ang mga semilyang ito ay naipamigay sa pakikipagtulungan sa Bureau of Animal Industry at sa Philippine Carabao Center–Los Baรฑos.

Maliban dito, namahagi din ang Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON, sa ilalim ng Corn Program nito, ng 490 bote ng Prevathon insecticides na nagkakahalaga ng P529,200 sa iba’t ibang corn farmers' association (FAs) at mga local government unit (LGUs) sa lalawigan ng Quezon noong ika-18 ng Pebrero, 2021.

Layunin ng pamamahaging ito na makaiwas at masugpo ang pagsalakay ng Fall Armyworm o isang pesteng insekto na kumakain ng mahigit sa 80 uri ng halaman kabilang na ang mais. Sa tulong ng mga pestisidyong ito ay makakaiwas sa pagkalugi ang mga magmamais.

Ang ilan sa mga nakatanggap ng tulong na ito ay ang Tayabas FA (100 bote), Lucena City FA (50 bote), Infanta FA (50 bote), Candelaria FA (100 bote), Macalelon FA (20 bote), LGU-Tiaong (70 bote), at LGU-San Antonio (100 bote). (CPG, PIA-4A at ulat mula sa DA-CALABARZON-RAFIS)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1067622
Latest News | Philippine Information Agency

Comments