Tagalog News: Mahigpit na health protocol sa ilalim ng MGCQ dapat manatili -Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 22 (PIA) -- Kung si Senator Win Gatchalian ang tatanungin, dapat umanong manatili ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na nasa ilalim ng general community quarantine (GQC) sakaling ipatupad ang mas mababang antas ng quarantine o modified general community quarantine (MGCQ) pagdating ng Marso.
“Kung ako ang tatanungin, sang-ayon ako na mag MGCQ na tayo. Mayroon na tayong kakayahan at alam na natin ang gagawin kung mayroong nagkasakit o may nag-positive sa COVID-19. Mayroon na tayong kakayanan. Sanay na tayo,” ani Gatchalian.
Ipinunto ni Gatchalian ang kakayahan ng mga local government units (LGUs) na matugunan ang hamon ng COVID-19 pandemic na nagsimulang manalasa noong nakaraang taon. Dumami na rin aniya ang mga testing centers sa bansa pati na rin ang pagkakaroon ng software application program kung saan napapadali na ang contact tracing.
“Ang pinaka-importante dito sakaling mag-MGCQ na tayo ay tuloy pa rin yung social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield. Hindi pwedeng tanggalin yan. Pero pwede nang buksan nang dahan-dahan ang ating ekonomiya dahil isa lang ang gamot para umangat ang ekonomiya natin–buksan natin para pwede nang makapagtrabaho ang marami nating mga kababayan. Pero hindi naman natin pwedeng biglain. Kaya itong MGCQ, mula 50 percent gawin nating 70 percent at tingnan muna natin doon kung ano ang epekto,” saad ng senador.
Ito'y matapos irekomenda ni Acting National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Karl Chua kay Pangulong Duterte na napapanahon na para isailalim ang buong bansa sa pinakamaluwag na quarantine status upang pasiglahin ang naghihingalong ekonomiya ng bansa at mapagaan ang patuloy na tumataas na bilang ng mga nagugutom, naghihirap at nawalan ng kabuhayan o trabaho sa bansa mula noong magpatupad ng lockdown measures.
Iginiit din ni Chua ang pangangailangan ng pagkakaroon ng sapat na pampublikong transportasyon. Mula sa 50 porsyento ay inirekomenda niyang buksan ito ng hanggang 70 porsyento. Pati ang pagpapalawig ng edad ng mga maaring makalabas ng bahay ay kasama rin sa kanyang rekomendasyon.
Sinabi rin ng NEDA Chief na mas mainam na payagan na rin ang panunumbalik ng face-to-face classes sa low-risk areas na siya ring matagal nang isinusulong ni Gatchalian. (PIA NCR)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1067568
Latest News | Philippine Information Agency