Tagalog News: Puerto Princesa Hall of Justice, PSU, isinailalim sa lockdown

PUERTO PRINCESA, Palawan, Pebrero 23 (PIA) - - Isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) o localized lockdown ng City Inter-Agency Task Force (IATF) ang Palawan State University (PSU)-Main Campus sa Bgy. Tiniguiban at Hall of Justice na matatagpuan sa Barangay Sta. Monica sa loob ng 14 days.
Ito ang inanunsiyo nitong Linggo ni Dr. Dean Palanca, commander ng Incident Management Team (IMT) sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) Advisory No. 140.
Ayon kay Palanca, dapat ay istriktong naka-home quarantine ang mga empleyado ng dalawang pasilidad na nabanggit kasama ng kanilang mga pamilya.
Sa PSU main ay dalawa ang nagpositibo sa COVID-19, habang walo naman sa Hall of Justice.
Bukod sa mga ito, may ilan pang mga empleyado ang posibleng isinailalim sa swab test matapos maging reactive sa rapid test.
Samantala, inilagay naman sa containment zone ang mga katabing pasilidad ng mga ito partikular ang buong compound ng City Hall, Tiniguiban Heights, City Department of Education, gusali ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), at ipinagbawal din ang ano mang aktibidad sa sports complex.
Kaugnay nito, nilinaw ni Atty. Arnel Pedrosa, City Administrator, bagamat nasa ilalim ng containment zone ang gusali ng Pamahalaang Panlungsod, tuloy ang pagtanggap dito ng transaksyon ng mga opisina, subalit ipatutupad nila ang 50-50 skeletal force kung kaya kakaunting empleyado lamang ang magbibigay ng serbisyo sa mga kliyente ng lokal na pamahalaan. (LBD/PIAMIMAROPA)
News Feed:
https://pia.gov.ph/news/articles/1067660
Latest News | Philippine Information Agency