Tagalog News: Pondo para sa ayuda, bumaba na –Pasig Mayor Vico Sotto

Pasig City Mayor Vico Sotto

LUNGSOD PASIG, Abril 7 (PIA) -- Ibinahagi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na bumaba na sa Pamahalaang Lungsod ang pondo para sa ayuda. 

Bumaba na po sa LGU ang pondo mula sa Nasyonal para sa #AYUDA. Ito po yung inanunsyo ni Pangulo Duterte na tig-1 libo kada indibidwal, maximum 4 libo sa isang pamilya,” ani Mayor Vico sa kaniyang opisyal na Facebook page.

Ayon kay Sotto, ang natanggap na pondo ng pamahalaang lungsod ay nagkakahalaga ng P681,743,000.

Ang natanggap po natin ay P681,743,000. Ibig sabihin may mabibigyan na 681,743 katao (hindi po lahat). Ayon sa Joint Memorandum Circular mula sa DSWD, DILG, at DND, ito po ay ayuda para sa mga "Low-income Families" ngayong bumalik tayo sa ECQ.”

Ibinahagi rin ng punong lungsod ang mga nasa prayoridad para makasama sa ayudang ito:

  • Mga pamilyang benepisyaryo ng National/DSWD SAP;
  • Mga WAITLISTED sa National/DSWD SAP;
  • Mga "VULNERABLE GROUPS" o "low-income individuals living alone, persons with disabilities (PWD), solo parents"

Nilinaw naman ni Sotto na kanilang susubukang mauna ang mga hindi pa nakakatanggap ng second tranche ng social amelioration program o SAP mula sa pamahalaang nasyonal.

Ibang topic na po yung 2nd Tranche pero sabi naman ng DSWD ay matatanggap niyo pa rin ito, inaayos daw po nila ngayon ang mga naging problema sa financial service provider.”

Idinagdag din ni Sotto na kung may matitirang pondo para sa mga naunang nabanggit na makakasama sa ayuda, ay maaari ring mabigyan ng ayuda ang mga indibidwal na apektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ).

May pang-apat pa po na ‘individuals affected by the ECQ,’ pero ito ay KUNG may matitira pa sa #1 hanggang 3.”

Inihahanda na rin po namin ang payroll para mapabilis ang proseso. Paalala lang po na hindi ganoon kadali magbaba ng ayuda para sa 681,743 katao, kaya aabot din po ito ng ilang linggo.Aminado man ang nasyonal at lokal na pamahalaan na kulang ito para sa mga higit na nangangailangan, malaking tulong pa rin ito sa ating Lungsod kaya magpasalamat po tayo sa Blessing na ito,” paliwanag pa ni Sotto.

Samanatala, paalala naman ni Mayor Sotto na antabayanan ang public posting ng listahan at iskedyul sa pamamagitan ng Facebook page ng Pasig City Public Information Office https://www.facebook.com/PasigPIO/.

Para di tayo magkalituhan, WALA PONG IBANG FB PAGE NA AWTORISADONG MAG-POST NITO KUNDI PIO.” (PIA NCR)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1071614
Latest News | Philippine Information Agency

Comments