Feature: Ang Tres Marias sa Likod ng Watawat ng Pilipinas
Mahalaga ang naging bahagi ng kababaihan sa kasaysayan ng ating bayan. Sa kanilang simpleng pamamaraan, gamit ang kanilang kakayahan, sila ay tumulong upang ang ating mahal na bayan ay makahulagpos sa tanikala ng malulupit at mapang-aping dayuhan. Kasama rito ang tatlong babaeng gamit ang kanilang husay sa pananahi at sa sining ng pagbuburda, ginawa nila ang bandila ng Pilipinas sa gitna ng himagsikan. Bandilang pumukaw sa damdaming bayan ng mga Filipino at nagsilbing inspirasyon upang kahit kapos sa sandata ay matapang na lumaban sa dayuhang nanlupig sa ating bayan. Ating kilalanin ang tatlong babae o “Tres Marias” na tumahi at nagburda ng bandila ng Pilipinas na sina Marcela M. Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad. Marcela Mariño Agoncillo Ipinanganak noong ika-24 ng Hunyo 1859 sa Taal, Batangas, kilala si Doña Marcela Mariño Agoncillo sa pagiging makabayan at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa. Kasama ng kanyang asawa na si Don Felipe Agoncillo, nagbib