Tagalog News: 50 Tanaueño butchers sumailalim sa pagsasanay

LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas, Mayo 31 (PIA)- Sumailalim at nagtapos sa kursong Slaughtering Operations (NC II) ang may 50 Tanaueno butchers (magkakarne) sa City Auction Market, Brgy. Poblacion IV sa lungsod na ito kamakailan.
 
Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) katuwang ang pamahalaang lungsod ng Tanauan at Van Technological and Skills Academy Inc.
 
Ayon kay City Veterinarian Dr. Aries Garcia, layon nito na mabigyan ng libreng pagsasanay ang mga naging benepisaryo upang mapataas at mapaunlad ang kanilang kakayahan.
 
“Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, maaaring madagdagan pa ang kaalaman ng ating mga butchers at maaari ding magbigay daan ito sa pagbubukas ng oportunidad na makapagtrabaho sa “AAA” Slaughterhouse ng lungsod gayundin sa mga bansang tulad ng Canada, Australia at New Zealand kung saan in-demand ang ganitong trabaho,” ani Garcia.
 
Ang mga butcher ay nagsanay sa loob ng 35 araw at may kabuuang 280 oras upang makapagdagdag ng kaalaman at kasanayan sa kanilang hanay.
 
Matatandaang taong 2014 sinimulan ang konstruksyon ng P 150M export-grade slaughterhouse sa lungsod na inaasahang magpapalakas ng livestock industry hindi lamang sa lungsod kundi sa buong rehiyon at mga karatig-lugar. Kapag naging fully operational ang pasilidad na ito, inaasahang mabibigyan ng pagkakataon ang mga sumailalim sa pagsasanay upang magkaroon ng trabaho. (BHABY P. DE CASTRO, PIA Batangas)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1022618
Latest News | Philippine Information Agency

Comments