Tagalog News: Mahigit 400 establisyemento sa Gensan sasailalim sa greenhouse gas inventory

LUNGSOD NG HENERAL SANTOS, Hunyo 30 (PIA) – Mahigit 400 na establisyemento sa lungsod ang planong isasailalim sa tinatawag na “greenhouse gas emission inventory” matapos mapirmahan ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Ronnel Rivera, at Engr. Rener Tandugon na syang nagrerepresenta sa Mindanao State University (MSU), ang isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Lunes.

Ayon sa Hepe ng City Public Information Office na si Rombel Catolico iilan sa mga establisyementong isasailalim sa naturang imbentaryo ay ang mga kompanya ng tuna, fuel retailers, gas stations, at marami pang ibang kompanya na posibleng naglalabas ng tinatawag na “greenhouse gas” na syang malaking sanhi ng pag-iinit ng daigdig o global warming na dulot ay “climate change.”

Dagdag pa ni Catolico mga estudyante umano ng Agricultural Engineering ng MSU ang syang magsasagawa ng data gathering survey na syang gagamitin sa naturang imbentaryo. 

Ang greenhouse gas emission inventory ay isang programa na pinondohan ng United States Agency for International Development (USAID) sa ilalim ng Strengthening Urban Resilience for Growth with Equity (SURGE) Project nito. 

Layon ng proyektong SURGE na matulongan ang mga lungsod sa labas ng Metro Manila, Cebu at Davao na magkaroon ng epektibong plano, maigarantiya ang mga pangunahing pampublikong serbsyo, maibaba ang business transaction cost, maisulong ang pagiging competitive ng isang lungsod, ma suportahan ang patuloy na pag-unlad nito, at mapababa ang panganib na dulot ng sakuna at climate change habang sinisiguro ang tinatawag na inclusive at sustainable growth ng isang lugar. (PGFruylan/PIA-Gensan)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1023872
Latest News | Philippine Information Agency

Comments