Tagalog News: Pinakaunang batch ng trainees sumabak na sa Masonry course ng TESDA

LUNGSOD NG BUTUAN, Setyembre 30 (PIA) -- Sumasabak na sa isang buwang pagsasanay ang 25 trainees ng Mobile Training Program sa Masonry National Certificate II ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Caraga.

Isa itong inisyatibo ng TESDA kasama ang non-government organization na Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance) upang mas mapalago pa ang construction industry sa rehiyon.

Isa si Alejandro Golle sa mga sumailalim sa nasabing training at nangakong pagbubutihin ang kanyang pagsasanay para makapasok at makapagtrabaho sa construction company pagkatapos ng isang buwang training.

“Malaki po ang aking pasasalamat sa TESDA kasi dahil dito madagdagan ang aking eksperyensa sa masonry at pagkatapos nito, mayroon na akong certificate sa masonry,” sabi ni Golle.

“Para sa aking mga kasamahan, nasimulan na natin ito kaya ipagpatuloy lang natin para matapos natin ang training at maging NC II holder,” pahayag ni Dennis Destreza.

Ayon kay TESDA-Caraga Regional Director Ashary Banto, ang nasabing pagsasanay ay bilang suporta na rin sa Build, Build, Build (BBB) program ng gobyerno. Nasa 250 trainees ang kanilang target sa lungsod.

“Ang training na ito ay naka-align sa standards kung ano yung latest na strategy or techniques at procedures sa construction industry. Kasi ang bottom line natin dito, kung may graduate tayo sa ilalim ng TESDA, madali na yung employment facilitation,” sabi ni Banto.

Dagdag pa ng opisyal, pagkatapos sa Butuan City, lilibot din sila sa Surigao del Norte, at iba pang probinsya ng rehiyon.

Para sa mga interesadong sumailalim sa trainings ng TESDA, hinimok ni Dir. Banto ang mga ito na bumisita sa pinakamalapit na TESDA office sa kanilang lugar upang malaman ang requirements.

Samantala, tiniyak naman ni Genome Jun Fortun, regional coordinator ng Villar SIPAG na ang mga trainees na masisipag at may pagmamamhal sa trabaho ay kanilang kukuning empleyado sa kanilang mga construction companies.

“Pagkatapos ng training, automatic na ma-hire sa construction company ang mga trainees. Ang hiling ko lang, galingan niyo sa training. Ang iba dito may alam na sa masonry pero madaragdagan pa ang inyong mga kaalaman at sana’y gamitin niyo yan as tool para sa mga bahay na inyong kinokonstrak,” sabi ni Fortun. (JPG/PIA-Caraga)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1027944
Latest News | Philippine Information Agency

Comments