Pamilya Pama ng Lake Sebu, Outstanding Model Family ng S. Cotabato

Ang Pamilya Pama habang tinatanggap ang parangal na Most Outstanding Model Family ng South Cotabato sa 2019. 

 

KORONADAL CITY, South Cotabato, Okt. 30 (PIA) — Pagtaguyod sa pamilya na may pananampalataya sa Poong Maykapal at pagsisikap para sa kapakanan sa mga anak ang dahilan kung bakit sila tinanghal na Most Outstanding Model Family ng South Cotabato, ayon sa pamilyang Pama ng Lake Sebu. 

Kinalalang Most Outstanding Model Family of South Cotabato 2019 ang Pamilya nina G. Renante at Gng. Edna Pama sa isang seromonya sa EMR Convention Center sa Koronadal City kamakalawa.

Sa tanong kung bakit lamang sila sa ibang nominado sa Search for Most Outstanding Model Family, sagot ni Gng. Edna Pama: “Siguro dahil napalaki namin ang aming mga anak na may takot sa Diyos at napag-aral namin sila sa aming pagsisikap sa simple naming pamumuhay.” 

“Nakita namin na sa aming pamumuhay ginawa naming sentro ang Panginoon. Walang imposible kung may Diyos sa tahanan,” dagdag pa ni Gng. Pama na 31 taon nang kasal kay Renante.

Nagtatrabaho dati sa isang pribadong tanggapan si misis at naglalako naman ng sari-saring paninda si mister sa layong itaguyod ang kanilang pamilya hanggang nakapagpatayo sila ng sariling tindahan at napagtapos kanilang mga anak na ngayon ay may kanya-kanya na ring trabaho.  Empleyado ng pamahalaan ang panganay. International flight attendant sa ang pangalawa. Certified public accountant naman ang bunso. 

Tinanghal na first runner up ngayong taon sina G. Sofronio at Gng. Cecilia Solidarios ng Norala at second runner up ang pamilya nina G.  Vicente at Mildred Aseral ng Surallah. 

Ayon kay Edwin Mateo Quijano, regional director ng Commission on Population and Development XII tanging ang South Cotabato lalawigan sa buong Pilipinas ang hindi huminto sa pagkilala sa mga modelong pamilya at nag-“institutionalize” ng taunang paghahanap ng natatanging model family. 

Sinimulan ng South Cotabato ang taunang Search for Most Outstanding Model Family noong 1994. 

Noong 2015, sa pangunguna ni Board Member Ellen Grace Subere-Albios, chairperson ng Committee on Women and Family Relations, ipinasa ng Sangguniang Panalalawigan ang isang ordinansa “Institutionalizing the Annual Search for the Most Outstanding Model Family in the Province.” 

Layunin nito na bigyang pagkilala ang modelong mga pamilya sa pagtaguyod ng kapakanan at paglago ng pamilya. 

Upang maging nominado, ang mag-asawa at maging kanilang may-asawang anak ay dapat legal na ikinasal; hindi dapat lalampas sa lima ang bilang ng kanilang mga anak; nag-aaral ang lahat ng kanilang school-age children, maliban na lang kung may kapansanan ito;  permanenteng residente ng kanilang lugar loob ng limang taon; at  walang sinuman sa pamilya ang kombiktado ng anumang kasong kriminal o administratibo. Mahalaga ring may permanenteng pinagkakakitaan ang pamilya sa panahon ng search. 

Batayan sa ginawang evaluation ang sumusunod na criteria: quality of relationship between and among husband and wife and their children (25%), quality of persons (20%), ability to manage resources (25%), involvement in community development activities (20%), and quality of condition at home (10%). 

Nagsisimula ang proseso sa pag-nominate ng mga barangay ng modelong pamilya sa kanilang munisipyo na siya namang pipili ng modelong pamilya para i-nominate sa provincial search committee. 

Maliban sa mga naunang nabanggit, modelong pamilya rin ng kani-kanilang lugar  ngayong taon sina: Macario at Tita Apusaga ng Tboli, Roger at Mariafe Losala ng Tupi, Anthony at Rosie Castillano ng Banga, Wilfredo at Florcerfida Oro ng Tantangan, Jonathan at Lilian Reyes ng Polomolok, Juvelito at Mercedita Harnero ng Sto. Niño, Alfonso at Corazon Bronio ng Koronadal City, at Rolando at Sienne Mary Dacumos ng Tampakan. 

Bilang mga modelong pamilya, awtomatiko ang pagiging miyembro nila sa Model Family Association Families of South Cotabato (MOFASCO) na tumutulong sa population office ng lalawigan at kani-kanilang lokal na pamahalaan sa pagpapalaganap ng kabutihan sa pamilya at pagtuturo patungkol sa responsible parenthood, family planning at katulad na mga usapin. 

Taong 2016, sinimulan din ng South Cotabato ang katulad na taunang patimpalak, ang Search for Most Outstanding Model Indigenous People Family na nakatutok naman sa paghahanap ng mga natatanging pamilyang katutubo. (DED)

 

 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1029459
Latest News | Philippine Information Agency

Comments