Tagalog News: Pelikulang Culion, pasok sa MMFF2019

Sa press conference kasabay ng Palawan Media Launch ng pelikulang Culion, nagsasalita si Director Alvin Yapan (pangatlo sa kaliwa), katabi nito Gillie Sing (pang-apat mula sa kaliwa) ng iOptions Venture, executive producer ng pelikula. (Larawan ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt 31 (PIA) -- Nagbunyi ang cast and crew ng pelikulang Culion nang i-anunsiyo ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang huling apat na pelikulang kukumpleto sa Magic 8, kung saan, nakabilang ang Culion.

Aminado ang executive producer nito na si Gillie Sing, na halos hindi na siya makatulog sa magiging resulta ng pagpili, hanggang sa ito ay mai-deklarang kasama sa MMFF.

“Hindi ko lubos akalain, sobrang nanginginig ako, at tila maiyak ako sa tuwa habang ipinapaliwanag sa stage ang tungkol sa aming movie,” pahayag ni Sing sa panayam sa kaniya.

Sa isang blog, sinabi ng producer ng Culion na si Shandii Bacolod na noong una ay nag-alangan pa siyang dumalo sa MMFF announcement, sapagkat minsan na siyang nakaranas na umasa at naghintay.

Para naman kay Sing, nagkaroon ng magandang katuparan ang hinahangad ng proyekto na maihatid ang mensahe ng istroya sa pamamagitan ng MMFF dahil sa malawak nitong tagapagtangkilik at manonood.

Hindi lamang mga taga-Palawan, kundi maging ang National Artist for Literature na si Bienvenido Lumbera, na head ng MMFF selection committee ay humanga rin at pinuri ang pelikula.

Sa pamamagitan ng pag-anunsyo ng pagkakabilang ng pelikulang Culion sa MMFF ngayong taon, ang misyon ng Team Culion na alisin ang stigma na nauugnay sa sakit na leprosy sa isla ng Culion sa Palawan ay unti-unti nang nagiging makatotohanan.  Inaasahan na ang pelikula ay magpa-angat ng kamalayan tungkol sa sakit at mabawasan ang lumang paniniwala na ito ay lubos na nakakahawa at hindi gumagaling.

Tampok sa pelikulang Culion ang kuwento ng magkakaibigang dumanas ng sakin na ketong na sina Anna (ginagampanan ni Iza Calzado), Dorris (na ginagampanan ni Jasmine Curtis-Smith) , at Ditas (Meryll Soriano), at kung paano nila sinagupa ang hamong ito ng buhay na tila wala nang pag-asa.

Ang istorya ay isinulat ng batikang direktor at manunulat na si Ricky Lee, sa direksyon ni Alvin Yapan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1029515
Latest News | Philippine Information Agency

Comments