4Ps beneficiaries, tulungan sa oras ng pangangailangan

Bilang mga Pilipino, alam natin na ang pangunahing suliranin sa bansang Pilipinas ay ang kahirapan.

Kahirapan na ugat ng mas marami pang problema kagaya na lamang ng kasalatan sa masustansyang pagkain, sa wastong nutrisyon, mabuting kalusugan, at edukasyon.

Kaya naman sa pagnanais ng Pamahalaan na matugunan kahit papaano ang mga suliraning nabanggit ay nabuo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o kilala bilang 4Ps na nagkakaloob sa mga pinakamahihirap sa lahat ng mahihirap na Pilipino ng ‘conditional cash grant’ para mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang edad 0 hanggang 18.

Naisabatas na rin ito sa ilalim ng Republic Act 11310 o 4Ps Act nang sa gayon ay magkaroon ng kasiguruhan na magpapatuloy ang programa na layong maasistahan ang mga pinaka-mahihirap na pamilya sa bansa sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Di gaya ng iniisip ng marami na tila iniaasa na lamang ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa gobyerno ang kanilang ikabubuhay, kaya ito tinawag na isang uri ng Conditional Cash Transfer (CCT) ay dahil may mga kondisyong sinusunod ang mga magulang upang makatanggap ng tulong.

Ang mga magulang ay obligado na siguruhing ang mga anak nilang benepisyaryo ng 4Ps ay nag-aaral nang tuluy-tuloy at may regular na pagpapakonsulta sa Barangay Health Center.

Sila rin ay may obligasyon na dumalo sa Family Development Sessions (FDS) para matuto ng iba’t ibang aral sa pamumuhay at sa lipunan. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng kamalayan kung paano makibahagi sa mga gawain sa kanilang pamayanan kagaya na lamang ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at pagtutulungan.

May mga session rin kung saan natatalakay ang patungkol sa maayos na pagtataguyod sa pamilya kaya naman nakatutulong ito na mas patatagin pa ang pagsasamahan ng maraming mga pamilyang miyembro ng 4Ps.

Napatunayan ng programang ito na ang kahirapan ay hindi dapat maging hadlang sa pagtupad ng mga pangarap partikular ng mga magulang na magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Ngunit hindi lamang iyan ang napatunayan mula sa mga kwento at karanasan ng mga benepisyaryo ng programa.

Hindi hadlang ang kahirapan sa pagtulong

Pinapakita ni Teodora Marquez ng Majayjay, Laguna ang tulong-pinansiyal na kanyang natanggap mula sa kanyang mga kapwa benepisaryo ng 4Ps at kanyang pasasalamat sa mga ito. Ang tahanan ng pamilya ni Marquez ang isa sa tatlong bahay na natupok dahil sa sunog na nangyari noong Marso 29. (Larawan mula kay Municipal Link Artem Reynald Makipagay)

Matutunghayan rin natin na hindi hadlang ang kahirapan para makatulong rin naman sa kapwa na may dinaranas na pagsubok sa buhay.

Habang ang lahat ay natatakot at nahihirapan dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19 at pagsasailalim sa buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil rito, nadagdagan pa ang nakapatong na problema sa mga balikat ng benepisyaryong si Teodora Marquez dahil sa pagkakasunog ng kanyang tahanan sa bayan ng Majayjay, Laguna noong nakaraang Marso 29.

Nawalan ng tahanan ang buong pamilya ni Teodora at dalawang iba pang pamilya na nasunugan rin ng bahay sa naturang trahedya.

Sila ngayon ng kanyang pamilya ay naninirahan sa kanyang mga kamag-anak.

Ganunpaman, sa kabila nang madilim na yugto ng buhay nila na nakadagdag pa sa hirap na dulot ng nararanasang pandemya sa bansa, nakakita siya ng liwanag dahil sa bukas-palad na pagkalinga sa kanya at kanyang pamilya ng ibang tao lalo na ng mga kapwa niya 4Ps beneficiaries.

Nang malaman ang kalagayan ng pamilya ni Teodora, hindi nag-atubili ang mga miyembro ng Majayjay Parent Leaders Association o MPLA ng 4Ps sa bayang ito na gumawa ng hakbang, maliit man o malaki, upang makapag-abot ng tulong sa kanila.

Kwento ni Majayjay Municipal Link Artem Reynald Makipagay, “Iyon pong tulong na ibinigay namin ay inisyatibo po iyon ng Majayjay Parent Leaders Association kung saan naglikom po sila ng donasyon mula sa kapwa nila mga 4Ps beneficiary at nakalikom nga po sila ng P8,275.00 at tatlong grocery packs.”

Isa ngang magandang pagtanaw sa sitwasyon na ang mga kapwa salat rin sa pamumuhay ay bukas-palad na nag-ambag ambag ayon sa kanilang nakayanan para mapagaang kahit paano ang dalahin ng kapwa nila benepisyaryo rin ng 4Ps at umabot pa sa ibang pamilya na apektado rin ng sunog kahit hindi miyembro ng programa.

“Tayo kasi ay parang isang pamilya na. Kahit tayong lahat ay nakakaranas ng krisis sa panahon ngayon, instinct na kasi iyon na hindi porket mahirap ay di mo kayang tumulong. Mas nakakataba kasi ng puso na kahit sa maliit na halaga kapag pinagsama-sama ay malaki ang maitutulong sa ating kapwa,” pahayag ni Lerma Palentinos na miyembro ng MPLA.

Aniya mas mainam na ikaw ang nagbibigay kung kaya naman, at maipakita ang pagmamahal sa kapwa tao anuman ang katayuan sa buhay.

“Sabi nga habang nabubuhay ka sa mundo magtanim ka ng maraming kabutihan at ito ay aanihin mo sa takdang panahon nang siksik, liglig at umaapaw galing sa ating Panginoong Hesus.”

Bilang isa naman sa mga nakararanas rin ng pagsubok dahil sa pandemyang COVID-19, siya ay nanawagan sa mga kapwa niya benepisyaryo na maging matatag, matutong makinig at sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.

“Ika nga ‘COVID lang yan, Pilipino tayo!’ Laban lang! Ipakita niyo sa lahat na hindi nasasayang ang itinutulong ng gobyerno sa atin,” sinabi niya.

Ayon naman kay Rosenda Arganosa, “Para sa akin po bagamat kami po sampu ng aming mag-anak ay nangangailangan rin po ngayon, ninais ko pong mangalap ng kaunting halaga para maibahagi sa mga nangangailangan sa aming bayan.”

Aniya ang mga kapwa miyembro ng 4Ps na nahingian nila ng tulong bagamat kapos rin ay nagawang makibahagi dahil alam at naiintindihan nila ang pakiramdam ng mga taong walang anumang mapagkukunan ng pangangailangan.

“Sa mga kapwa ko benepisyaryo ngayong kinakaharap natin ang COVID-19, nawa ay maging matatag po tayo at mas magkaisa. Kung ang mga nasa itaas ay pinagkatiwalaan tayo na mapabilang sa programang ito sana naman ay ipakita po natin na deserving tayo,” paalala ni Rosenda sa mga kapwa niya benepisyaryo.

Aniya hindi ang COVID-19, sunog o anumang kalamidad ang makakapagpasuko sa kanila.

“Kaya natin ito basta sama-sama lamang. Kung may napinsalang isa ay abot-kamay nating tutulungan hindi lamang bilang 4Ps kundi bilang isang pamilya. Iminulat at sinanay tayo sa pagiging handa,” sabi ni Rosenda.

Laking pasasalamat naman ang naramdaman ni Teodora sa kabila ng mga pinagdaanan ng kanyang pamilya.

“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa mga kapwa ko 4Ps na nagbigay ng tulong sa amin. Napakalaking tulong po na kahit may krisis po tayo ay marami pong handang tumulong. Ako po ay nagpapasamat sa lahat ng tumulong. Hindi namin makakalimutan at makakaasa po kayo na kung sino man po ang mangailangan ng tulomg naming mag-anak nandito lang rin po kami,” pahayag niya.

Ika nga ng marami, wala nang ibang makakaunawa sa mga pinagdadaanan ng mga mahihirap kundi ang mga kapwa nakararanas rin ng hirap.

Ang higit pang masarap sa puso ay ang katotohanang kahit sa nararanasang krisis natin ngayon dahil sa COVID-19, hindi nagpapa-awat ang mga kababayan natin para mag-abot tulong sa kapwa. Hindi kailangang magarbo basta’t ibinabahagi nang mula sa puso. (Joy Gabrido)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1038869
Latest News | Philippine Information Agency