Tagalog News: Ayuda sa mga residente ng resettlement site, ipinamahagi ng PCUP

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 20 (PIA) -- Matagumpay na naisagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) nitong Lunes ang "18K Disbursement Activity" na kung saan ay tumanggap na ng kanilang tseke na nagkakahalaga ng P18,000 ang 50 na mga benepisyaryo ng Oplan Likas Program mula sa Parañaque Homes II, Parañaque City.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni PCUP Chairperson at CEO, Undersecretary Alvin S. Feliciano kaisa ang Resettlement Unit (ResU) at ang Administrative and Finance Division (AFD) ng naturang Komisyon.

Ayon sa mga nakatanggap, malaking tulong at ginhawa umano sa kanila ang maging benepisyaryo ng programa lalo na at karamihan sa kanila ay lubhang apektado pa rin ng pandemyang kinakaharap ng bansa hanggang sa ngayon kaya naman ay laking pasasalamat ng mga ito sa PCUP.

Patuloy naman sa pagbaba ang mga Area Coordinators (ACs) ng PCUP ResU sa mga relocation sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tukuyin ang mga lehitimo at kwalipikadong benepisyaryo ng programa at agad maipamahagi ang benepisyo nito.

Tiniyak naman ni Chariman Feliciano na ang kanilang ahensya ay patuloy na maghahatid ng taos-pusong serbisyo sa mga maralitang residente ng bansa.

Magugunitang layon ng PCUP ang maiangat ang kabuhayan ng mga nangangailangan, at magkaroon ng mas patas na pagkakataon ang lahat sa lipunan. (PIA NCR)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1064390
Latest News | Philippine Information Agency

Comments