DOH: Mga exposed sa COVID-19 positive dapat mag-self isolate agad

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Abril 7 (PIA) - - Pinayuhan ng Kagawaran ng Kalusugan sa Lambak Cagayan ang mga mamamayan na may 'exposure' sa isang positibong kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) na agad mag-self isolate upang hindi makapanghawa ng iba kung sakaling nahawaan din ito ng virus. 

Inihayag ni Dr. Angelica Taloma, RESU head ng DOH-2, na lahat ng mga may 'exposure' sa COVID-19 positive ay dapat mag-self isolate agad. (photo from Dr. Taloma's FB) 

Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon, isa sa itinuturong dahilan ng mabilis na pagkalat ng virus ay ang pagkakahawa-hawa na sa loob ng pamilya, komunidad at maging sa mga opisina. 

Isa rin sa obserbasyon ng mga opisyal ay ang paglabas-labas o pagpasok sa trabaho ng ilang mga indibidwal kahit alam na nila na na-expose sila sa positibong pasyente, at ang iba ay may mga nararamdamang sintomas pa.

Ayon kay Dr. Angelica Taloma ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) dapat bumukod agad ang mga may 'exposure' at may sintomas sa isang bahay o silid na walang ibang kasama, may sariling banyo at lugar na pwedeng pagkainan. 

"Kung nag-swab naman ang isang tao ay lalong hindi ito dapat gumagala-gala o pumapasok sa trabaho habang hinihintay ang resulta. Dapat manatili sa isolation o quarantine area," pahayag ni Taloma. 

Ibinahagi rin nito na ang dapat na sumailalim sa agarang RT-PCR test ay yung mga sintomas tulad ng pagkakaroon ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng lalamunan, pagtatae at hirap sa pahinga. 

"Subalit kung ikaw ay "close contact" o nagkaroon ka ng exposure sa isang positibong pasyente at asymptomatic ka, hindi dapat agad-agad na magpa-test. Ang gagawin ay agad na mag-isolate muna sa loob ng lima hanggang pitong araw bago isailalim sa test dahil maaring hindi pa ma-detect ang virus na kung agad-agad ang pag-test," ani Taloma.

Sinegundahan naman ito ni Dr. James Guzman, ang city health officer ng lungsod na ito, kung saan sinabi nitong kaya umano dumadami ang tinetest dahil karamihan sa mga 'close contacts' na wala namang sintomas ay agad-agad nagpapa-test. 

Inihayag din nina Guzman at Taloma na dapat ipaalam agad sa health center ng municipyo, lungsod o sa barangay ang pagkakaroon ng exposure sa positibong kaso o kung may nararamdamang mga sintomas upang agad na maasikaso at madala sa tamang pasilidad. 

Hinikayat din ng mga ito ang publiko na huwag magsinungaling upang magawa ng tama ang 'contact tracing' sa mga taong nakasalamuha bilang paraan upang hindi na lalo pang dadami ang mahahawaan. 

Upang madagdagan naman mga nagsasagawa ng 'contact tracing', inihayag ni Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH region 2, na magha-hire sila ng mga bagong nurse, midwife at pharmacist. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan) 


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1071697
Latest News | Philippine Information Agency

Comments