Tagalog News: 189M-proyektong irigasyon sa Narra, tapos na sa Nobyembre

Ang Irrigation System Project sa Malatgao, Narra, Palawan. (Larawan mula sa Palawan Provincial Irrigation Management Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt 15 (PIA) -- Matatapos na sa Nobyembre ang National Irrigation Sector Rehabilitation and Improvement Project (NISRIP) sa Barangay Malatgao, bayan ng Narra, Palawan na pinondohan ng P189-Milyon ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ito ang kinumpirma ni Silvino Navarro, tagapamahala ng proyekto sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA).

Sinimulang ipatupad ang proyekto noong Agosto 26, 2015, habang nasa 98 porsiyento na itong tapos sa kasalukuyan, at planong ilipat sa pamamahala ng Provincial Irrigation Management Office (PIMO) sa Palawan, at pagmamantine ng mga benepisyaryong asosasyon ng mga magsasaka.

Sinabi ni Navarro na ang NISRIP ay binubuo ng dalawang bahagi, partikular na ang hard component o ang pisikal na rehabilitasyon ng kasalukuyang sistema ng irigasyon, at ang soft component na kinabibilangan naman ng pagbibigay ng tulong sa mga samahan ng mga irrigator tulad ng gusali ng kanilang opisina, mga kagamitang pansaka, pagsasanay para sa mga magsasaka at marami pang ibang serbisyo.

Paliwanag ni Navarro na ang kabuoang pondo ng proyekto na inilagay sa Malatgao ay nagkakahalaga nang nasa P220 milyon, sapagkat ang P189 milyon ay para lamang sa pisikal na rehabilitasyon ng kasalukuyang sistema ng irigasyon.

Layon aniya nito na mapaangat ang ani at kita ng mga magsasaka sapagkat matutugunan ng NISRIP ang mga problemang madalas na kinakaharap ng mga ito.

“Ang target ng NISRIP is to increase (mapaangat) ang harvest (ani) - 100 to 120 cavans per hectare, siyempre mangyayari ito depende sa tubig, may mga time (oras) din kasi na El Niño, o La Niña na sobra naman ang tubig, binabaha ang mga sakahan,” ani Navarro.

Isa rin aniya sa hangad ng proyekto na makamit ang mithiin ng gobyerno na magkaroon ng kasapatan sa sariling produktong bigas.

Aabot naman sa 3,800 na mga magsasaka mula sa bayan ng Narra at Aborlan ang libreng makikinabang sa proyekto.

Samantala, tinatamasa naman ngayon ng mga magsasaka ang libreng patubig ng gobyerno.  (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)


News Feed:

https://pia.gov.ph/news/articles/1028696
Latest News | Philippine Information Agency

Comments